3,420 total views
Makikiisa ang Diocese of Imus sa pandaigdigang pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo para sa ganap na pagkakaisa at kapayapaan ng sanlibutan.
Sa liham sirkular, hinikayat ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista ang mga parokya, paaralan, institusyon, at pamayanan na tipunin ang mga kabataan upang makibahagi sa One Million Children Praying the Rosary Campaign ng Aid to the Church in Need (ACN).
Isasagawa ang sabayang pananalangin ng Santo Rosaryo ngayong October 18, kasabay ng kapistahan ni San Lucas, ebanghelista, sa ganap na alas-nuebe ng umaga.
“Parish Priests, School Directors, and Consecrated Persons are encouraged to organize the children in parishes, schools, religious institutions, and Catholic communities in the Diocese of Imus to join this meaningful celebration,” ayon sa liham-sirkular ni Bishop Evangelista.
Isasagawa ng ACN Philippines ang One Million Children Praying the Rosary sa Immaculate Conception Parish Cathedral & Minor Basilica o Malolos Cathedral sa Malolos, Bulacan sa pangunguna ni Bishop Dennis Villarojo.
Kasabay rin ito ng paggunita sa ika-25 anibersaryo ng pagkakaloob sa Malolos Cathedral bilang minor basilica.
Una nang sinabi ni ACN Philippines chairperson, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ang nasabing worldwide prayer event ay paanyaya hindi lamang para sa mga kabataan, kundi sa lahat ng mananampalatayang katoliko.
Unang inilunsad ang inisyatibo noong 2005 sa Caracas, Venezuela, at ipinalaganap ng ACN sa buong mundo noong 2008 kung saan umaabot na sa mahigit 80-bansa ang nakikibahagi sa malawakang pananalangin.