409 total views
Makikiisa ang Diyosesis ng Imus sa paggunita sa Season of Creation 2021 na may temang “A Home For All: Renewing the Oikos of God” na magsisimula sa unang araw ng Setyembre hanggang Oktubre 10.
Ito ang pakikiisa ng diyosesis hinggil sa panawagan ng Dicastery for Integral Human Development at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines upang ipagdiwang ang panahon ng paglikha bilang pagpapahalaga sa ating nag-iisang tahanang handog ng Diyos para sa sangkatauhan.
Sa inilabas na pahayag ng Diocese of Imus – Ministry on Ecology, hinihikayat nito ang mga pangdiyosesanong dambana, parokya, quasi-parishes, kapilya at mga pastoral centers na sa unang araw ng Setyembre ay sisimulan ang paggunita sa Season of Creation sa pamamagitan ng Banal na Misa.
Sa Oktubre 10 naman ay magsasagawa muli ng Banal na Misa para naman sa pagtatapos ng selebrasyon.
Bilang pag-iingat sa panganib ng coronavirus pandemic, iminungkahi ng ministry na maaaring isagawa ang aktibidad kasabay ng regular na livestreaming ng mga Banal na Misa o maglaan ng natatanging oras sa pagsasagawa nito.
Habang para naman sa mga walang livestreaming, maaari itong gawin sa pamamagitan ng maliit na grupo at pagsasagawa ng simpleng pribadong Misa.
Patuloy namang ipinapaalala na palaging magsuot ng face mask at face shield, maging ang pagsunod sa physical at social distancing upang maiwasan ang hawaan ng virus.
Magugunitang sinabi ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles sa pastoral message nito na nawa ang taunang pagdiriwang sa panahon ng paglikha ay maging daan tungo sa pagpapanibago ng ating mga tungkulin para sa kaligtasan at wastong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Sa buong mundo, ipinagdiriwang ang Season of Creation mula unang araw ng Setyembre hanggang Oktubre 04, kasabay ng kapistahan ni San Francisco de Asis, ngunit dito sa Pilipinas ay pinalawig ito hanggang sa ikalawang linggo ng Oktubre upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday.
Kasabay naman nito ang ikaanim na taon ng World Day of Prayer for Care of Creation na idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco noong taong 2015, alinsunod sa isinasagawang pag-aalay ng panalangin ng Orthodox Church na nagsimula pa noong taong 1989.