11 total views
Makikiisa ang Diocese of Imus sa taunang paggunita ng Red Wednesday bilang bahagi ng pananalangin at pagsuporta sa mga Kristiyanong nakakaranas ng karahasan at pang-uusig dahil sa kanilang pananampalataya.
Sa liham-sirkular, hinihikayat ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista ang mga parokya, paaralan, institusyon, at pamayanan na makibahagi sa pagdiriwang ng Misa ng Pagsamo para sa mga Kristiyanong Inuusig, na gaganapin bukas, November 27, 2024.
Hinihikayat din ni Bishop Evangelista ang pagpapailaw ng pula sa mga harapan ng simbahan, paaralan, at iba pang mga gusali bilang simbolo ng pag-aalay ng buhay ng mga Kristiyanong inuusig.
“I encourage all parishes, schools, religious institutions, and Christian communities to observe this day of prayer by celebrating the Eucharist using the Votive Mass for Persecuted Christians (Roman Missal, p. 1058). The facades of your churches, schools, and buildings may be illuminated in red to symbolize the sacrifices and martyrdom of our persecuted brothers and sisters in the Christian faith,” ayon sa liham-sirkular ni Bishop Evangelista.
Magkakaroon din ng special collection sa mga votive masses bukas, na ang malilikom ay ilalaan para sa mga programa ng simbahan para sa mga Kristiyanong humaharap sa iba’t ibang hamon ng lipunan.
Taong 2016 nang simulan ng Pontifical Foundation Aid to the Church in Need (ACN) ang Red Wednesday campaign upang himukin ang mga Kristiyano na magkaisa sa panalangin, bigyang-pugay ang mga martir ng Simbahan, at suportahan ang mga Kristiyanong kasalukuyang inuusig.
Sa Pilipinas, pangungunahan ni ACN Philippines President, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ang pagdiriwang sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag sa Pangasinan.
Magsisimula ito sa pananalangin ng Santo Rosaryo sa ganap na alas-4 ng hapon, susundan ng Banal na Misa, pagsisindi ng mga kandila, at pagpapailaw ng pula sa harapan ng simbahan.
January 2020 nang pinagtibay ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang taunang pakikiisa ng Pilipinas sa kampanya bilang pagpapakita ng malasakit at pagkakaisa sa mga Kristiyanong inuusig.