396 total views
Pinasalamatan ni Kabankalan Bishop Louie Galbines ang Caritas Manila hinggil sa paunang tulong para sa mga biktima ng Bagyong Odette sa lalawigan ng Negros.
Ayon kay Bishop Louie Galbines, malaking tulong ito ng social arm ng Simbahan upang patuloy na matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga higit na apektado ng sakuna.
“Salamat sa Caritas Manila, salamat sa inyong lahat. Alam namin na and’yan kami sa inyong puso at tsaka nagpapasalamat kami sa Diyos na talagang nag-reach out kayo sa amin. Ang laki-laking tulong na nito. Maraming matutulungan dito,” bahagi ng pahayag ni Bishop Galbines sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi pa ni Bishop Galbines na higit ding pangangailangan sa Negros ang pagkain at tubig, maging ang damit at masisilungan dahil lubhang napinsala ng bagyo ang maraming bahay.
Dagdag pa ng Obispo na magpahanggang ngayon ay wala pa ring linya ng komunikasyon sa buong lalawigan, lalo na ang suplay ng kuryente.
“‘Yun po ang situation ngayon mahirap sa mga tao dahil naghahanap sila ng pagkain at tubig, pati communication po wala. Electricity wala pa rin, three months o two months pa yata makakabalik,” ayon sa Obispo.
Bukod sa tulong, panawagan din ni Bishop Galbines ang panalangin para sa patuloy na kaligtasan ng mga nasalanta ng Bagyong Odette.
Isa ang Diyosesis ng Kabankalan sa limang benepisyaryong diyosesis na tumanggap ng paunang tulong mula sa Caritas Manila na nagkakahalaga ng P500,000.