445 total views
Masayang ibinahagi ng Caritas Kalookan ang kanilang mga ginagawang programa na makatulong sa mga mahihirap.
Sa panayam ng Programang Caritas in Action kay SR. Ma. May Cano OP, isa sa mga tagapangasiwa ng Caritas Kalookan, tuloy tuloy ang kanilang mga inisyatibo na naglalayong makatulong sa maralita lalo na sa mga
patuloy pa ring naapektuhan ng pandemya at may mga karamdaman.
Ikinagalak ni Sr. Cano ang pakikipagtulungan sa kanila ng isang international organization mula sa Switzerland kung saan nagbahagi ito ng mahigit sa 700 libong piso na pondo na kanilang ipinambili ng mga bigas at canned goods.
Ang mga nasabing food items ay agad ipamahagi sa mga parokya na siya naman ipinamigay sa mga mahihirap.
“Patuloy ang pagtulong natin sa mga mahihirap. Marami ang nag-offer ng blessings gaya ng isang funding agency from Swtizerland nakapagbigay sila ng P773,000, inubos namin ito para ipambili ng ng mga kaban ng bigas at mga sardines [Canned goods]. Meron din mga lumalapit dito sa opisina at mga EJK Families at mga senior citizens.” Pahayag ni Sr. Cano.
Sinabi ng madre na nitong buwan ng Agosto ay inilunsad ni Bp. Pablo Virgilio David ang ‘Feed the Hungry Campaign’ kung saan nilalayo ng diyosesis na patuloy na makatulong sa mga mahihirap sa kanilang pangkain sa araw-araw.
Tiniyak din niya na patuloy din ang kanilang programa para sa edukasyon ng mga mag-aaral katuwang naman ang Caritas Manila lalo na para sa mga pamilya na biktima ng Extra Judicial Killings o EJK.
Naniniwala si Sr. Cano na ngayong nalalapit ang kapaskuhan ay mas marami pa ang maglalayon na makatulong sa mga nangangailangan.
“ngayon malapit na ang pasko alam natin hindi hihinto ang magbabahagi ng blessings kaya lalo pang marami na blessings ang maipapadala sa mga kapatid nating mahihirap.” Dagdag pa ng Madre mula sa Dominican Order.
Batay sa datos umaabot sa 2.3 percent ang poverty incidence sa Metro Manila kung saan ang mga lungsod ng Kalookan, Malabon at Navotas ay nasa pang-pito, pang-walo at pang-siyam na puwesto sa mga siyudad sa kabisera ng Pilipinas batay sa pagkakasunod-sunod.