2,179 total views
Naglabas ng pastoral na alituntunin at panuntunan ang Diyosesis ng Kidapawan bilang gabay sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Nasasaad sa liham sirkular ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na may petsyang ika-6 ng Setyembre, 2023 ang atas para sa lahat ng opisyal at kasapi ng iba’t ibang mga organisasyon ng Simbahan sa diyosesis na nagnanais na tumakbo para sa anumang posisyon sa halalang pambarangay.
Ayon sa alituntunin ng diyosesis, bagamat suportado ng Simbahan ang aktibong partisipasyon ng mga layko sa usapin ng politika at pamamahala ay mahalaga ang pagiging patas ng Simbahan sa usapin at larangan ng pulitika sa bansa.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na nararapat maiwasan ang posibilidad sa pagkakaroon ng kalituhan pagdating sa paglilingkod at pagbabahagi ng serbisyo sa simbahan at sa anumang posisyon o katungkulan sa pamahalaan.
“The Church, in general, does not oppose lay people to participate in politics. The Church, in fact, recognizes this as a right of any individual to participate in the political arena for the service of their brothers and sisters. However, the Church, as an institution, maintains to be non-partisan. To avoid confusion when it comes to exercising service both in the Church and in public office and to guard our faithful against accusations of using the Church as partisan, this circular is issued.” Ang bahagi ng sirkular ni Bishop Bagaforo.
Kabilang sa atas ng Obispo na pansamantalang magbitiw sa katungkulan at magpaalam sa kanilang mga organisasyong kinabibilangan ang mga lingkod ng Simbahan na nagnanais na tumakbo sa anumang posisyon sa nakatakdang Barangay at SK Elections.
“Lay Leaders who wished to be elected as public officials should file a leave of absence addressed yo their respective parish priests.” Ayon kay Bishop Bagaforo.
Bukod dito, pinaalalahanan din ni Bishop Bagaforo ang mga pari ng diyosesis na hindi maaaring mag-endorso o pumuna ang mga lingkod ng Simbahan ng sinumang kandidato o political party lalo na mula sa pulpito.
Binalaan din ng Obispo ang mga pari mula sa pagtanggap ng anumang donasyon ng mga kandidato para sa Simbahan o gawaing pastoral.
Ayon kay Bishop Bagaforo, “Priest are instructed to Never Use the Pulpit to favor or denounce any candidate or political party.”
Umaasa naman ang Obispo na ganap na isabuhay ng mga layko na tatakbo sa iba’t ibang posisyon sa barangay ang mga aral at turo ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsusulong ng Halalang Marangal kung saan higit na binibigyang halaga ang kapayapaan, katarungan at ang paglilingkod ng tapat para sa ikabubuti ng mas nakararami o ang common good.
“Those who seek to be elected in public office are exhorted to promote Halalang Marangal that will always protect and safeguard the sanctity of the votes of the citizens and will bring with them the values of Christ in this noble venture, prioritizing the common good, justice, and peace, with deep care and love for the poor and the neglected in the society, and motivated by the spirit of Christian service.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Batay sa liham sirkular maituturing ng nagbitiw sa katungkulan ang mga nagpasa ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) bagamat wala pang pormal na pagbibitiw sa mga organisasyon ng Simbahan sa diyosesis.
Batay sa Calendar of Activities ng COMELEC, nagsimula ang election period para sa halalang pambarangay noong ika-28 ng Agosto, 2023 na unang araw ng isang linggong paghahain ng COC, habang nakatakda naman sa ika-19 hanggang ika-28 ng Oktubre, 2023 ang campaign period para sa Barangay at SK Elections.