27,939 total views
Maghahatid ng tulong ang Diocese of Laoag sa Ilocos Norte para sa mga naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol sa lalawigan ng Abra.
Ito ang tiniyak ng Social Action Center ng Diyosesis matapos na makaiwas sa malaking pinsala ang kanilang lalawigan mula sa malakas na paglindol noong Miyerkules.
Ayon kay Heneng Nieto, Coordinator ng Social Action ng Diocese of Laoag, bukas ay inaasahan na tutungo ang kanilang grupo sa Diocese of Bangued para maghatid ng tulong sa mga naapektuhang residente.
Sinabi ni Nieto na tugon ito sa kagustuhan ni Laoag Bishop Renato Mayugba na agad na magbahagi ng pagdamay at pakikiisa sa kanilang karatig lalawigan na napinsala ng paglindol.
“nagpe-prepare na kami ng goods, mamaya magsisimula na kami na mag-repack, sa Abra muna ang target ni Bishop [Mayugba] bukas, may dalawang Pari na kasama yun isa yung Assistant Program Director namin dito [Social Action]” pahayag ni Nieto sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, tiniyak din ni Mother Mary Peter Camille Marasigan FLDP ng Diocese of Ilagan sa Isabela na magbabahagi din sila ng tulong sa mga lalawigan na napinsala ng lindol.
Ayon kay Mo. Camille, ipinag-utos na ni Bp. David William Antonio ang pagsasagawa ng second collection sa 43 Parokya sa Diocese of Ilagan para ipangtulong sa mga karatig Diyosesis na napinsala ng Magnitude 7 earthquake.
“Mag-second collection kami sa Sunday sa lahat ng Parokya yan ang una instruction ni Bishop [Antonio], kahit naman noong nagkaroon ng landslide sa Ifugao nagpadala din kami ng tulong na kaunti, ngayon hihintayin lang namin hanggang Sunday” pahayag ng Madre sa panayam ng Radyo Veritas.
Bagamat napapasalamat si Mo.Camille na hindi na nagdulot pa ng pinsala ang lindol sa kanilang lalawigan ay nagpapahayag naman sila ng pagdarasal at pakikiisa sa mga apektadong pamilya partikular na sa Diocese ng Bangued at Archdiocese of Nueva Segovia.
Magugunitang una nang umapela ng tulong ang dalawang pinaka naapektuhan Diyosesis sa Northern Luzon para sa ano mang tulong at donasyon.
See: https://www.veritasph.net/simbahan-sa-northern-luzon-umaapela-ng-tulong/