350 total views
Inalala ng Diyosesis ng Legazpi ang unang anibersaryo ng pananalasa ng Bagyong Rolly sa Bicol Region na magpahanggang-ngayon ay sariwa pa rin sa alaala ng mga naging biktima.
Idinadalangin ni Legazpi Bishop Joel Baylon na nawa’y patuloy na patnubayan at kalingain ng Panginoon ang mga higit na naapektuhan ng bagyo upang tuluyang makamtan ang kapayapaan sa mga puso’t isipan sa kabila ng pangungulila sa mga nasawi.
“We continue to seek the Lord’s comfort and guidance. We ask Him to bring solace to those who lost property and kin, and pray for the repose of the souls of those who perished,” pahayag ni Bishop Baylon sa Radio Veritas.
Samantala, hinihiling din ng Obispo ang paggabay habang patuloy na sinisikap ang tulung-tulong na pagbuo sa mga napinsalang tahanan at iba pang ari-arian, partikular na sa simbahan ng Saint John the Baptist Parish sa Tabaco City, Albay.
Ayon kay Bishop Baylon, sarado pa rin ang nasabing simbahan na patuloy pa ring kinukumpuni,
“We also seek guidance as we continue with the hard task of rebuilding our homes and properties. The church of St. John the Baptist in Tabaco City, for one, is still not open to the public because it is still undergoing repair and rehabilitation,” saad ni Bishop Baylon.
Nobyembre 1, 2020 nang itaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Signal No. 5 ang lakas ng Bagyong Rolly bago ito tuluyang mag-landfall sa Bicol Region.
Batay naman sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa mahigit-500,000 pamilya o 2-milyong indibidwal ang lubos na naapektuhan ng Bagyong Rolly habang nasa humigit-kumulang 20 naman ang naitalang nasawi.