371 total views
Nag-alay ng Requiem Mass ang Diocese of Legazpi para sa yumaong si dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Pinangunahan ni Legazpi Bishop Joel Baylon ang Misa para sa Yumao na isinagawa sa St. Gregory the Great Cathedral Parish sa Legazpi City, Albay.
Pagbabahagi ng Obispo, ang naturang Misa ay bahagi ng pakikiisa ng Simbahang Katolika sa pagdadalamhati at pagluluksa sa pagpanaw ng ika-15 pangulo ng Pilipinas na nakilala bilang Pangulong Noynoy o PNoy.
Sa homiliya ni Bishop Baylon, ibinahagi ng Obispo na bagamat hindi perpekto ang dating Pangulong Aquino ay naipamalas naman nito ang pagsusumikap at determinasyon na mapaunlad at mapabuti ang bayan para sa bawat Filipino partikular na para sa mga mahihirap at maliliit na sektor ng lipunan.
Naniniwala rin ang Obispo sa naipamalas na katapatan at integridad ng dating administrasyong Aquino na tumutok sa maraming usapin ng katiwalian sa pamahalaan.
Paliwanag ni Bishop Baylon, hindi lamang nakasalalay sa isa o iilan ang pagkakaroon ng ganap na pagbabago sa lipunan partikular na sa pamahalaan sapagkat kinakailangan ng pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat upang ganap na magbunga ang matagal ng hinahangad na kapayapaan sa bayan.
“Despite his short comings, I believe PNoy gave his all for the nation, for us his fellow Filipinos especially the poor and the powerless. During his presidency PNoy dreamed of a ‘Daang Matuwid’, I believe he tried his best to live this out and make his presidency function with honesty and integrity despite wrong decisions and mis-use here and there. But finally it takes more than one man to bring real changes in government or any form of human society for that matter.” Ang bahagi ng homiliya ni Legazpi Bishop Joel Baylon.
Ayon sa pamilya Aquino, pumanaw ang 61-taong gulang na si dating Pangulong Aquino ganap na alas-sais y medya ng umaga noong Huwebes ika-24 ng Hunyo, 2021 dahil sa renal disease secondary to diabetes.
Bukod sa Diyosesis ng Legazpi, ilang mga diyosesis at mga Obispo na rin ang nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya Aquino kabilang na ang pamunuan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pangunguna ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles.
Personal naman nagtungo si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown kasama ang Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula na bagong talagang Arsobispo ng Maynila sa Church of Gesu sa Ateneo de Manila University upang personal na makiramay sa pamilya Aquino at mag-alay ng panalangin para sa namayapang dating Pangulo.