422 total views
Paiigtingin ng Diyosesis ng Maasin, Southern Leyte ang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at mga parokya bilang paghahanda sa epekto ng “The Bigger One”.
Ito ang tiniyak ni Maasin Diocesan Social Action Director Fr. Harlem Gozo sa panganib na maaaring idulot ng Leyte Fault Line na itinuturing na pinakamalaking fault line sa bansa kumpara sa ‘The Big One’ o Marikina West Valley Fault.
Sinabi ni Fr. Gozo na magsasagawa ng mga pagpupulong ang diyosesis sa pakikipagtulungan ng Leyte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council upang magkaroon ng kaalaman at paghahanda laban sa sakuna.
“Meron kaming gagawing series of meetings and one of our initial plans ay mag-conduct ng special earthquake drill together with the provincial and municipal offices at tsaka ‘yung mga parokya natin on the part of the church,” pahayag ni Fr. Gozo sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng pari na regular na ginagawa sa lalawigan ang earthquake drills bilang pagpapabatid sa publiko ng kahalagahan ng pagiging handa kapag naganap ang mga paglindol at tsunami.
Aminado naman si Fr. Gozo na may ilang parokya ang hindi madalas nakikibahagi sa mga pagsasanay at nagiging kampante lamang gayong walang gaanong sapat na kaalaman at kahandaan hinggil sa mga sakuna.
Kaya naman sisikapin ng diyosesis na ang lahat ng social action centers sa bawat parokya ay makikibahagi sa mga earthquake drill at seminar lalo na’t malaking banta ngayon sa Southern Leyte at mga karatig na lalawigan ang ‘The Bigger One’.
“So we are thinking para sa initial plans namin at ifa-finalize pa kung kailan kami magsasagawa ng earthquake drills. So ang plano ay i-involve natin lahat ng mga social action centers dito sa mga parokya, simbahan, at mga kapilya,” dagdag ni Fr. Gozo.
Sa isang panayam nitong Agosto 7, inihayag ni Eastern Visayas Office of Civil Defense Director Lord Byron Torrecarrion na maaaring magdulot ng malaking pinsala ang Leyte Fault Line sakaling maganap ang magnitude 7 earthquake, katulad nang naganap sa Northern Luzon nitong Hulyo 27.
Nilinaw naman ng OCD Region 8 na hindi intensyon ng opisyal na magdulot ng pangamba sa publiko bagkus ay magbigay ng impormasyon at kahalagahan ng kahandaan sa lindol at epekto nito.