366 total views
Umapela ng tulong ang Diocese of Maasin sa Southern Leyte para sa kanilang mga mamamayan na naapektuhan ng Tropical Strom Dante.
Ayon kay Rev.Fr. Harlem Gozo, Social Action Director ng Diocese of Maasin, nasa halos 100 kabahayan ang nasira ng bagyong Dante sa kanilang lalawigan dahilan para mawalan ng maayos na tirahan ang mga residente.
Inihayag ni Fr.Gozo na ilan sa mga biktima ay binigyan na ng paunang tulong ng kanilang mga Parokya na mga relief goods o pagkain ngunit ang higit na suliranin ngayon ay ang pagpapatayo muli ng kanilang mga bahay.
“may mga nasira sa bahay-bahay, kailangan nila ng mga building materials, madami din sila mga nasa around a hundred, magbigay na lang muna kami dito kahit kahoy kahoy lang pero sana makapabigay din tayo para kahit para sa pako o pambubong din nila.” Pahayag ni Fr. Gozo
Sa isinagawang assessment ng Diocesan Social Action Center ng Maasin, 4 na parokya sa Maasin City ang may pinakamaraming naapektuhan ng pagbaha at pagbitak ng lupa.
Ilan sa mga nasabing parokya ang tumanggap din ng evacuees sa kasagsagan ng pananalasa ng nasabing bagyo.
Ang Parokya ng Our Lady of the Assumption sa tunga-tunga, Maasin City ang may pinakamaraming naapektuhan na residente kung saan tatlo sa kanilang Basic Ecclesial Community ang may mga nagslikas at binaha ang mga bahay.
Sa ngayon ay patuloy na nagiging abala ang mga apektadong residente upang maglinis ng kanilang mga nasirang kabahayan at makahanap ng mga patuloy pang mapapakinabanggan.
Magugunitang aktibo na nagsasagawa ng rapid assessment ang mga Social Action Center o Caritas offices ng bawat Diyosesis tuwing may mararanasan kalamidad sa kanilang mga lalawigan.
Ito ay upang agad na makapagbigay ng tulong ang Simbahan kung saan nagpapa-abot din ng pagtulong ang ibat-ibang organisasyon nito.