646 total views
Suportado ng simbahang katolika ang panawagan ng mga medical frontliners na higpitan ang panuntunan ng community quarantine sa Metro Manila. Dahil dito ipinag-utos ni Malolos Bishop Dennis Villarojo sa mga pari na pansamantalang suspendido ang mga pampublikong pagtitipon tulad ng banal na misa upang maiwasan ang pagkahawa-hawa.
Sa mensaheng ipinadala ng obispo sa Radio Veritas sinabi nitong tatalima ang diyosesis sa panuntunan ng Inter Agency Task Force na masugpo at mapigilan ang paglaganap ng corona virus. “We follow IATF rules on modified enhanced community quarantine (MECQ), so bawal muna ang mga public masses instead, ipagpatuloy ang mga online masses sa mga parokya,” pahayag ni Bishop Villarojo sa Radio Veritas.
Hinikayat ni Bishop Villarojo ang mga pari na gamitin sa mabuting paraan ang social media upang higit pang maipalaganap ang salita ng Diyos sa mananampalataya sa kani-kanilang tahanan.
Bukod pa rito, hinimok ng obispo ang bawat mananampalataya na gamitin ang pagkakataong muling isinailalim sa MECQ ang National Capital Region at ilang lalawigan ng Central Luzon na mapalalim ang pananampalataya at mapatatag ang relasyon ng tao sa Diyos.
Samantala, nagpahayag na rin ng pakikiisa ang Diyosesis ng Novaliches sa medical sector at nauunawaan nitong kailangan ng karampatang pahinga upang may sapat na lakas na labanan ang tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa liham pastoral ni Bishop Roberto Gaa nababahala ito sa mga ulat tungkol sa kapasidad ng mga pagamutan sa kalakhang Maynila na una nang sinabing nasa critical level na.
“Ito ay pagpapahayag ng ating pag-unawa at suporta sa panaghoy ng mga Medical Frontliners sa kanilang hinaing sa napakabilis na pagdami ng COVID 19.Kung sagad na sa kapasidad ang mga Medical Frontliners at mga pasilidad, lalong hindi na nila makakayanan tugunan ang dumadami pang mga kaso ng COVID-19. Nalalagay na din sila sa peligro at kapahamakan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Gaa.
Tiniyak din ng obispo na paiigtingin ng diyosesis ang mahigpit na pagpapatupad sa health protocol upang hindi magkaroon ng cross infection at maiwasan ang pagkahawa-hawa. Umaasa si Bishop Gaa na sa pagsailalim ng Metro at Mega Manila sa MECQ ay magkaroon ng contact tracing at matukoy ang sanhi ng napakabilis ng pagkalat ng nakamamatay na virus.
Dagdag pa ng obispo nawa’y aktibo ang mamamayan na makiisa sa kampanya sa pamamagitan ng pagtatala sa mga lugar na pupuntahan at maging ang mga taong nakasalamuha upang mas mabilis ang pagsasagawa ng contact tracing.
Una nang tumugon sa panawagan ng mga medical frontliners ang Arkidiyosesis ng Maynila, Diyosesis ng Cubao, Pasig, at Parañaque.
Simula ikaapat ng Agosto hanggang ika – 18 ng buwan ay iiral ang MECQ sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan batay sa anunsyo ng Pangulong Rodrigo Duterte alinsunod sa rekomendasyon ng IATF.
Ipinatigil din ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang lahat ng religious activities sa diyosesis bilang tugon panawagan ng mga medical frontliners na magkaroon ng pagkakataon na makapagpahinga mula sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
“In compliance with the government directive to once again revert back to MECQ, I am suspending all Public Celebration of Masses and other public religious activities in the entire Diocese of Pasig from August 4 until August 14. This temporary suspension may not have an impact on the overall COVID-19 numbers but this is our proactive response to be in solidarity with the governmemnt, our dear doctors and medical frontliners.” bahagi ng liham pastoral ni Bishop Vergara.
Tiniyak naman ng Obispo ang patuloy na pagsasagawa ng mga online celebrations na maaring matunghayan sa pamamagitan ng mga social media accounts ng mga Simbahan, dambana at parokya sa diyosesis.
“We will continue our online celebrations so please monitor the schedules in the social media accounts of your parishes.” Dagdag pa ni Bishop Vergara.
Nagpaabot rin ng pasasalamat ang Obispo sa lahat ng mga frontliners sa bansa na matapang at epektibong ginagampanan ang kanilang tungkulin na matugunan ang pangangailangang medikal ng lahat mula ng magsimula ang COVID-19 pandemic sa bansa.
Hinimok rin ni Bishop Vergara ang bawat isa na magpaabot ng suporta sa lahat ng mga medical frontliners hindi lamang sa pamamagitan ng moral support kundi spiritual support.
“We thank all our medical frontliners for their selfless commitment and dedicated service. Let us support them morally and spiritually through our prayers and sacrifices.” Ayon kay Bishop Vergara