11,030 total views
Nagdeklara ng climate emergency ang Diocese of Marbel bilang panawagan laban sa umiiral na suliraning pangkalikasan sa kinasasakupang mga lalawigan sa Soccsksargen Region.
Noong ika-15 ng Setyembre 2024, inatasan ni Bishop Cerilo “Alan” Casicas ang mga saklaw na parokya na basahin ang deklarasyon ng climate emergency sa mga Banal na Misa, bunsod ng mga nagaganap na pang-aabuso at pinsala sa likas na yaman ng South Cotabato, Saranggani, at General Santos City.
Tinukoy ni Bishop Casicas ang nagpapatuloy at malawakang pagkaubos ng mga bundok at kagubatan; walang tigil at malawakang pagsasagawa ng conventional o chemical-based farming; paggamit ng mapanganib na aquaculture technologies; at hindi pagsasabuhay ng sapat-lifestyle ng mamamayan.
“The abovementioned problems pose an extremely serious threat to food security and health of people and communities in the diocese, and persistently contribute to the continued warming and destruction of the planet earth, our common home,” ayon kay Bishop Casicas sa isinasaad sa deklarasyon.
Pinatututukan ng obispo ang talamak na ilegal na gawain sa Strict Protection Zone ng Mt. Matutum Protected Landscape; coal mining sa Barangay Ned, Lake Sebu; Tampakan gold and copper mining project, pagbabago sa local ordinance na nangangalaga sa Mt. Busa Local Conservation Area upang bigyang daan ang business permits ng mga mapaminsalang gawain; at ang binabalak na limestone quarry sa Maasim, Saranggani.
Nangako naman ang Diyosesis ng Marbel na itataguyod ang mga programa sa mga parokya tulad ng pagtatayo ng nursery at mini forest, material recovery facility, at pagbabawal sa paggamit ng single-use plastics.
Pinagtibay din ng diyosesis ang Setyembre bilang Season of Creation at Tree Growing and Clean-up Drive month, at binigyang-diin ang hindi pagtanggap ng anumang donasyon mula sa mga mapaminsalang kumpanya.
“With this declaration, we invite all the faithful in the diocese to join us in heeding the call of Pope Francis during last year’s celebration of Season of Creation: that we come together like many streams, brooks, and creeks finally merging in a mighty river to irrigate the life of our marvelous plant and our human family for generations to come,” ayon kay Bishop Casicas.