588 total views
Walang naitalang pinsala at nasaktan sa naganap na magnitude 5.6 earthquake sa Davao Oriental kaninang alas-3:19 ng madaling araw.
Ayon kay Diocese of Mati Bishop Abel Apigo, bagamat may kalakasan ang pagyanig ay wala namang naging pinsala sa katedral at mga parokyang sakop ng diyosesis.
“Medyo malakas ‘yung lindol kanina pero safe naman kami dito sa Diocese. Kinamusta ko rin ‘yung ibang parokya at sabi nila wala namang naging damages sa mga simbahan at iba pang buildings,” pahayag ni Bishop Apigo sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang epicenter ay nasa 51 kilometro timog-silangan ng Manay, Davao Oriental.
Tectonic naman ang pinagmulan ng pagyanig na may lalim na 20 kilometro.
Babala ng ahensya na asahan ang posibleng epekto ng aftershocks anumang oras.
Dalangin naman ni Bishop Apigo ang patuloy na kaligtasan ng bawat isa sa mga nagaganap na sakuna sa kapaligiran lalo na ang mga lubhang naapektuhan ng magnitude 7.3 earthquake sa Northern Luzon noong nakaraang linggo.
“Patuloy nawa tayong gabayan at iligtas ng Panginoon sa mga ganitong uri ng sakuna lalong lalo na sa mga naapektuhan ng paglindol sa Northern Luzon. Mahanap nila muli ang liwanag ng pag-asa mula sa mga kinakaharap na pagsubok,” panalangin ni Bishop Apigo.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 410 ang kabuuang bilang ng mga nasaktang indibidwal sa naganap na paglindol habang 10-katao naman ang nasawi.