416 total views
Pinangunahan ng Diocese of Novaliches ang paglagda sa Memorandum of Cooperation para sa proyektong “QC Protektado” na layong makatulong sa pagpapaigting ng vaccination program laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa, malaking bagay ang ganitong uri ng ugnayan at pagtutulungan upang agarang matugunan ang suliraning hinaharap ng bansa bunsod ng COVID-19.
“…Matagal na ‘tong collaboration with Quezon City [Government] at malaking bagay po kasi, sa laki po ng pandemya, hindi ito kayang punan o hindi kayang tugunan ng isang sektor lamang. Kailangan talaga yung iba’t ibang sektor ay magsama-sama at magtutulungan para matugunan itong pandemya na ito,” bahagi ng pahayag ni Bishop Gaa sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, nagpapasalamat naman ang Obispo sa pagsisikap ng mga pari ng Diyosesis ng Novaliches, local government units at mga frontliners na nagtutulungan sa pamamagitan ng paglulunsad ng ganitong uri ng proyekto na tiyak na makatutulong upang malunasan at maiwasan ang pangambang dulot ng pandemya.
“Nagpapasalamat ako sa mga masigasig na mga pari, sa mga LGU, at mga doktor dahil nakita nila na hindi nila kaya mag-isa. Sa halip ay nakita nila na kailangang magtulungan, magkaroon ng collaboration and cooperation. At sa akin parang nagbubunga yung pagtutulungan na ito at ako’y nagpapasalamat sa Diyos na bahagi din ang simbahan dito,” ayon kay Bishop Gaa.
Hinihikayat naman ni Bishop Gaa ang bawat Diyosesis sa bansa na tularan ang ganitong uri ng programa upang maipalaganap din ang vaccine confidence na makatutulong na mapawi ang pangamba ng publiko at mahikayat na magpabakuna ng COVID-19 vaccine.
“So ang sa’kin, I think we should all go into synergy so that the services that is needed by the people can be given promptly,” saad ng Obispo.
Isinagawa ang paglagda sa Memorandum of Cooperation nitong Hunyo 21, 2021 sa Cathedral Shrine of the Good Shepherd Parish o Novaliches Cathedral.
Kabilang sa mga lumagda sina Bishop Gaa, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Far Eastern University – Nicanor Reyes Medical Foundation Chief Operating Officer Juan Enrique Reyes, at Unilab Vice President for the Vaccine Initiative Manuel Montinola.
Nasaksihan naman ito nina National Task Force (NTF) Against Covid-19 chief implementer Secretay Carlito Galvez, Jr., Novaliches Vicar General for Pastoral at Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – NASSA/Caritas Philippines Fr. Antonio Labiao, Jr. at si Dr. Nolan Pecho.
Nakapaloob sa kasunduan sa ilalim ng QC Protektado Project na maglalaan ang Diocese of Novaliches ng lugar, pasilidad at mga volunteers; magpapalaganap ng information dissemination tungkol sa COVID-19 vaccine; at makikipag-ugnayan sa mga parokya at komunidad hinggil sa vaccination program.