609 total views
Kinilala ng Diocese of Pasig ang maayos na pamamalakad ng lokal na pamahalaan ng Pasig, Pateros, at Taguig sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic
Ayon kay Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, saksi ang diyosesis sa maayos na pangangasiwa ng lokal na pamahalaan upang tugunan ang krisis na dulot ng pandemya gayundin ang pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayan.
Tiniyak naman ng Obispo ang patuloy na pakikipagtulungan ng Simbahan sa lokal na pamahalaan ng upang maipatupad parin ang mga safety health protocol bilang pag-iingat mula sa banta ng COVID-19 virus.
Paliwanag ni Bishop Vergara, mahalaga ang pagkakaroon ng magandang ugnayan ng diyosesis at ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa tatlong syudad na nasasakupan ng Diyosesis ng Pasig upang tugunan ang epekto ng pandemya.
Binigyang diin rin ng Obispo na dahil sa hindi pa rin ganap na nakakahanap ng lunas sa COVID-19 virus at tumataas pa rin ang kaso ng sakit sa bansa ay mahalagang patuloy na maipatupad ang mga pag-iingat mula sa higit pang pagkalay ng sakit.
“Makikita naman natin kasi itong Diocese of Pasig comprises of Pasig City, Pateros and Taguig City so far naman po maganda naman po ang management ng aming mga LGU head dito sa pandemya. Mayroon pa rin pong mga report doon sa mga infected at nandoon pa rin yung vigilance po natin with regards to how we can be able to implement strict health protocols…” Ang bahagi ng pahayag ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa panayam sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Bishop Vergara ang bawat parokya sa diyosesis ay nakikipag-ugnayan sa mga kinatawan ng lokal na pamahalaan lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma na itinuturing na isang mahalagang panahon para sa mga mananamapalatayang Katoliko.
Umaasa naman ang Obispo sa pakikipagtulungan at pagsunod ng mga mananamapalataya sa lahat ng mga panuntunan na naglalayong matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng lahat mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
“In fact Sa mga parishes po namin we are also cooperating well with our LGU representatives lalo na sa mga services and we hope even as we start this [Lenten season] ganundin yung mangyayari, makikipag-ugnay ng mabuti sa ating mga LGU point persons na tinitingnan at mino-monitor yung mga pumapasok sa ating mga Simbahan na ipinatutupad yung ating mga health protocol…” Dagdag pa ni Bishop Vergara
.
Nauna ng ibinahagi ng Obispo na siya ring Southwest Luzon Regional Representative ng Catholic Bishops Conference of Philippines (CBCP) na napapanahon ang pagpapababago ng panuntunan ng pamahalaan na pagtataas ng limitasyon sa mga makadalo sa mga banal na pagdiriwang sa 50-porsyento ng kapasidad sa mga Simbahan sa mga lugar na nasa GCQ.
Batay sa tala, may aabot sa 30 ang mga parokya sa Diocese of Pasig na nangangasiwa sa buhay espiritwal ng mahigit 1-milyong mananamapalataya mula sa mga syudad ng Pasig, Pateros at Taguig.(Reyn Letran)