11,893 total views
Pinasalamatan ng sanggay ng pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need-Philippines (ACN) ang Diyosesis ng Pasig sa pagsisilbi nitong host sa One Million Children Praying the Rosary campaign na muling isinagawa ng face-to-face makalipas ang tatlong taon.
Ayon kay ACN-Philippines President, Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, mahalaga ang pakikipagtulungan ng diyosesis upang higit na maipalaganap ang kaalaman sa kalagayan ng mga Kristiyanong inuusig sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na mahalaga ang sama-samang pananalangin ng bawat isa para sa kapakanan ng lahat ng mga Kristiyano at Simbahang inuusig sa buong daigdig.
“Maraming salamat sa inyong pakikipagtulungan para sa Aid to the Church in Need sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mga naghihirap na mga kapatid nating Kristiyano na naniniwala kay Kristo. Manalangin po tayo, magtulungan po tayo, ipalaganap natin ang ACN sa ating mga kapatid. Diocese of Pasig, I am very proud of you, I am very grateful for all that you do, biyaya kayo ng Diyos hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong Simbahan.” Ang bahagi ng mensahe ni Archbishop Villegas.
Isinagawa ang One Million Children Praying the Rosary campaign sa Immaculate Conception Cathedral ng Diocese of Pasig noong ika-18 ng Oktubre, 2023 ganap na alas-nuebe ng umaga kung saan pinangunahan ang gawain ng mga mag-aaral mula sa Pasig Catholic College at mga seminarista ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary.
Kabataan, sama-samang nagdasal ng santo rosary para sa kapayapaan
Sa tala ng Aid to the Church in Need, umabot ng 871,523 ang bilang ng mga kabataang nakabahagi sa pagsasagawa ng One Million Children Praying the Rosary Campaign noong nakalipas na taong 2022.