1,628 total views
Suportado ng Diyosesis ng San Carlos, Negros Occidental ang Rights of Nature Bill na layong isulong ang pangangalaga sa karapatan ng inang kalikasan.
Sa pastoral letter ni Bishop Gerardo Alminaza para sa Laudato Si’ Week 2023, inihayag ng obispo na sisikapin ng diyosesis na isulong at paigtingin ang pagkilos laban sa lumalalang krisis sa klima sa Pilipinas.
Kabilang na rito ang pagtataguyod sa paglipat at paggamit ng renewable energy na tiyak na malinis at ligtas sa kalikasan at kalusugan, kumpara sa mga fossil fuel at coal-fired power plant.
“We shall continue to advocate for police reforms that address prevalent enviornmental issues, push for climate action, and support a just transition towards a low-carbon economy by supporting the Rights of Nature Bill and other Green Bills,” ayon kay Bishop Alminaza.
Maliban dito, paiigtingin din ng diyosesis ang inisyatibong ipalaganap ang Sapat Lifestyle upang baguhin ang mga nakasanayang nagdudulot ng negatibong epekto sa mga likas na yaman.
Sa pamamagitan nito’y mas maibabahagi pa ang kaalaman at tamang pamamaraan upang mabawasan ang mga nalilikhang basura, pagtitipid sa paggamit ng kuryente, at pagkakaroon ng maayos at malinis na transportasyon.
“We shall promote and initiate SAPAT Lifestyle practices in all aspects of work, including waste reduction, energy conservation, and sustainable transportation,” ayon sa obispo.
Nakikiisa rin ang diyosesis sa panawagan sa pamahalaan na magdeklara na ng climate emergency sa bansa upang higit na mapagtuunan ang pagpigil sa lumalalang epekto ng climate crisis.
“There is no better time than now to recognize the interconnectedness of all creation, and thereby it is our responsibility to acknowledge out nature’s intrinsic rights to thrive, restore, and protect itself from the very system that put us in the state of climate emergency in the first place,” saad ni Bishop Alminaza.