11,066 total views
Patuloy ang pagpapalikas sa mga residente sa loob ng four-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) mula sa Mount Kanlaon bunsod ng patuloy na pagtaas ng aktibidad ng bulkan.
Ayon kay San Carlos Social Action Director, Fr. Ricky Bebosa, mula pa noong nakaraang linggo ay ipinag-utos na ng lokal na pamahalaan ng Kanlaon City, Negros Occidental ang sapilitang pagpapalikas sa mga pamayanang saklaw ng apat na kilometrong radius ng PDZ, at binabalak na itaas pa sa anim na kilometro.
Sa kasalukuyan, nasa higit 200-pamilya o higit-500 indibidwal ang nasa evacuation sites, at inaasahang matagal pang makakabalik sa mga tahanan habang hindi pa humuhupa ang kalagayan ng bulkan.
“More than a week na ngayon ang mga tao sa evacuation center. Sa ngayon, patuloy naming minamanmanan ang development ng bulkan. Sabi ng LGU, medyo matatagalan pa ang mga taong makabalik sa kanilang mga bahay,” ayon kay Fr. Beboso sa panayam ng Radio Veritas.
Nananawagan naman ng tulong si Fr. Beboso para sa pangangailangan ng mga pamilyang nasa evacuation centers, tulad ng pagkain, maiinom na tubig, face masks, at hygiene kits.
Sa mga nais magpaabot ng tulong, makipag-ugnayan lamang kay Fr. Beboso sa numerong 0960-201-8169 o sa facebook page ng SAC Ubuntu-Diocese of San Carlos.
Batay sa huling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nananatili sa Alert Level 2 status ang Bulkang Kanlaon, kung saan sa nakalipas na 24-oras ay naitala ang limang volcanic earthquakes, at pagbuga ng sulfur dioxide na umabot na sa 10,880 tonelada.
Mahigpit namang ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok sa four-kilometer radius PDZ at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa posibleng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions.