5,324 total views
Nakikiisa ang Diocese ng San Fernando sa La Union at Diocese ng San Jose sa Nueva Ecija sa mga nasalanta ng kalamidad sa Bicol Region.
Ito ang mensahe nila San Fernand Bishop Daniel Presto at San Jose Bishop Roberto Mallari sa pananalasa ng bagyong Kristine kung saan apektado din ang kanilang lugar.
Ayon kay Bishop Mallari, nawa sa panahon ng sakuna ay maging bukal ng loob ng mamamayan sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Panghihimok pa ng Obispo na ipinalangin ang kapwa higit na ang mga lugar na dadaan pa lamang ng bagyo.
“Nakikiisa po kami sa mga kapatid namin sa Bicol region na nasalanta ng Bagyong Kristine. Nananawagan po tayo mga kababayan natin na mag-ingat po tayo dahil napakalawak ang puedeng maapektuhan dito sa bagyong ito, sa mga kababayan natin hindi naapektuhan pasalamat tayo sa Diyos at tumulong tayo sa mga nasalanta, ipagdasal po natin ang isa’t isa,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Paalala naman ni Bishop Presto sa mga mamamayan higit na sa mga lugar kung saan inaasahang mag-landfall ang bagyo ang pakikinig at pagsunod sa abiso ng kanilang mga lokal na pamahalaan,.
Ipinalalanagin din ni Bishop Presto ang kaligtasan ng mga mamamayan.
“Diyos na Aming Ama, ikaw ang lumikha ng lahat ng bagay, iligtas mo po kami lalo’t higit ang mga naabutan na ng Bagyong Kristine dala ng malakas pag-ulan at ang idinulot nito.
Nawa kami po sana ay mailigtas sa mas lalo pang malaking kapahamakan na dala ng bagyo, Ikaw Panginoon ang maggabay sa amin na nawa ay ilayo ang bagyong ito upang maiwasan ang mas marami pang buhay at kabuhayan ang masira gawa ng ganitong malakas na pag-ulan at pagbagyo.
Ikaw Panginoon ang nagbibigay ng lakas ng loob sa mga nasalanta, sa mga maaring masiraan ng pananim, sa mga nasiraan ng kabuhayan, bigyan mo po sila ng lakas ng loob Panginoon na magkaroon sila ng pagasa sayo na hindi sila mawalay sa ganito, sa anumang sakuna na dumating sa kanilang buhay.
Patuloy mo kaming pagpalain Panginoon at mas higit ang aming pananalig at pagsampalataya sa iyo, Hinihiling namin ito sa Hesus na aming Panginoon, sangalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo, Amen.” – Ang panalangin ni Bishop Presto upang ipag-adya ang mga mamamayan mula sa epekto ng bagyo.
Una ng ipinarating ng Caritas Manila na makakatanggap ng paunang tulong ng 1.2-milyong piso ang mga nasalantang Bicol Dioceses nang Bagyong Kristine.
Ayon sa Social Arm ng Archdiocese of Manila, makakatanggap ng tig-P200,000 ang anim na diyosesis sa Bicol Region kabilang ang Archdiocese of Caceres at Diocese of Libmanan sa Camarines Sur; Diocese of Virac, Catanduanes; Diocese of Daet, Camarines Norte; Diocese of Legazpi, Albay; at Diocese of Sorsogon.