550 total views
Aktibo ang Diocese ng San Pablo sa Laguna sa pagsasagawa ng mga programa na naglalayong makatulong sa mga mahihirap at nangangailangan.
Ito ang tiniyak ni Ms. Ava Istino, isa sa mga taga pangasiwa ng Social Action Center ng Diocese of San Pablo at siya din lay coordinator ng Pondo ng Pinoy sa nasabing diyosesis.
Ayon kay Istino, katuwang ang Pondo ng Pinoy ay iba’t-ibang mga hakbang na ang kanilang nagawa para umagapay sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Aminado si Istino na nakakalungkot ang kalagayan ng mga kababayang nating mahihirap partikular na sa kanilang lalawigan kung saan marami ang nawalan ng trabaho at mga oportunidad.
“Opo kumbaga mahirap na sila pero sa sitwasyon nitong pandemic lalo silang nadiin sa hirap kahit anong ahon ang gawin talaga kulang na kulang para sa pamilya at saka madami din nawalan ng trabaho kaya hindi mo alam saan sila kukuha ng kakainin kaya bagamat paunti unti lang yun pwede natin itulong at gusto natin tumulong pero hindi natin alam paano lalahatin na sila ay matulungan at mabigyan ng ayuda pero at least may opportunity tayo at yun ang aming pinagsisipagan dito sa Social Action [San Pablo],” pahayag ni Ms. Istino sa panayam ng programang Caritas in Action.
Naniniwala si Istino na malaki ang tulong ng Pondo ng Pinoy at ng mga sumusuporta dito upang makakilos ang Simbahan at makatuwang sa suliranin ng mga mahihirap.
Aniya, malaking aral ang kanyang natutunan mula sa pag-iipon ng bente singko sentimos para sa Pondo ng Pinoy na siya namanag ginagamit upang makapagsagawa ng maraming proyekto tulad ng livelihood at scholarship program ng Diyosesis.
“Doon ko po naramdaman ang pagkilos ng Diyos na nagsimula lang sa pagbibilang ng 25 sentimos. Ito po ako ngayon gumagawa ng mga project proposal katuwang ang aking Director [Fr. Noel Panopio] tapos bumaba kami sa mga tao para maramdaman lalo na ang ginagawa mong pagbibilang ay hindi lang pala pagbibilang. marami itong maitutulong kahit 25 sentimos lang,” dagdag pa ng Finance Officer ng Social Action Center ng Diocese of San Pablo.
Sa datos na ibinahagi ni Istino sa Radyo Veritas, tinatayang umabot na sa P5 Milyong piso ang halaga ng tulong na kanilang natamo mula sa Pondo ng Pinoy.
Magugunitang taong 2004 nang ilunsad ni noo’y Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang Programang, Pondo ng Pinoy na kilala sa temang; Ano mang magaling, kahit maliit, basta’t malimit ay patungong langit.