452 total views
Muling nilimitahan sa 10-percent seating capacity ang mga religious gatherings sa lalawigan ng Laguna kabilang na ang mga parokyang sakop ng Diyosesis ng San Pablo.
Ito’y matapos muling ipatupad ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa buong lalawigan mula kahapon, hanggang Agosto 15, 2021.
Ito’y pagtalima ng Diocese of San Pablo sa pag-iingat bunsod ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 at banta ng Delta variant.
Ayon kay San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, patuloy na ipinapatupad sa buong Diyosesis ang mga health and safety protocols upang mabantayan at matiyak na ligtas ang bawat mananampalataya sa banta ng COVID-19.
“Tulad ng dati, sinusunod ng Diocese ang mga protocol ng IATF para sa MECQ,” pahayag ni Bishop Famadico sa panayam ng Radio Veritas.
Dalangin naman ni Bishop Famadico na nawa’y patuloy na gabayan at iligtas ng Panginoon ang bawat isa laban sa kapahamakan at panganib na dala ng COVID-19 lalo’t higit sa banta ng Delta variant.
Batay sa huling ulat ng Department of Health, kinumpirma nito ang 36 na kaso ng COVID-19 Delta variant sa Region 4A o CALABARZON.
Naitala sa Laguna ang 17-kaso ng Delta variant – ang pinakamataas sa buong rehiyon; sinundan naman ito ng siyam na kaso sa Cavite; anim na kaso sa Batangas; apat sa Rizal, habang wala namang naitala sa Quezon.
Sa kabuuang bilang, umabot na sa 67,064 ang kaso ng COVID-19 sa Laguna, kung saan 2,851 rito ang aktibo, at 407 naman ang panibagong kaso.