354 total views
Inihayag ng Diocese of San Pablo sa lalawigan ng Laguna na malaki ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa mga parokya sa diyosesis dahil sa ipinatupad na mga limitasyon sa bilang ng mga maaaring dumalo sa mga banal na liturhiya.
Sa Pastoral Visit On-Air ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico sa himpilan ng Radio Veritas ay ibinahagi ng Obispo na bukod sa pagsasagawa ng online live streaming ng mga banal na misa ay lubos rin naapektuhan ang mga parokya dahil sa pangangailangang pampinansyal.
Ayon sa Obispo, marami sa mga mas malalaking parokya sa diyosesis ang tumutulong sa mga maliliit na parokya kung saan nagsagawa rin ng online fundraising concert event para sa mga maliliit at mahihirap na parokya ang diyosesis noong nakalipas na taon.
Pagbabahagi ni Bishop Famadico sa kabila ng krisis na idinulot ng pandemya maging sa mismong mga Simbahan ay nagpapasalamat naman ang diyosesis sa Caritas Manila na nagsilbing daan upang patuloy na magsilbing daluyan ng biyaya at pag-asa ng mga mananampalataya ang Diocese of San Pablo.
“Palagay ko yung adjustment ay pare-pareho sa lahat ng mga parishes dahil nga limited yung church-goers numbers ay di halos lahat ng parokya namin ay naka-live stream, mga misa namin at sa pangangailangan naman ng mga parokya yung mga malalaking parokya ay tumutulong sa mga mas maliliit at nagkaroon din kami ng concert para makatulong sa mga maliliit. Yun namang sa mga tao ay malaki ang tulong nung Caritas Manila dahil katulad sa ibang mga dioceses within the suffragan of Manila ay yung tig-P1,000 na gift certificate ay marami din po ang naibigay sa amin.” pahayag ni San Pablo Bishop Famadico sa Radio Veritas.
Bukod sa naging epekto ng COVID-19 sa mga parokya sa diyosesis, malungkot na ibinahagi rin ng Obispo na dalawa sa mga pari ng Diocese of San Pablo ang pumanaw dahil sa sakit.
Sa kasalukuyan inihayag rin ni Bishop Famadico na nananatili ang pagpapatupad ng istriktong mga polisiya sa lalawigan ng Laguna bilang pag-iingat mula sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 virus.
Ayon sa Obispo, kabilang sa istriktong polisiya sa lalawigan ang pagpapahintulot sa tanging 10-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan kung saan nakasalalay sa mga lokal na pamahalaan kung pahihintulutan ang hanggang sa 30-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan.
“By the fact na kami ay medyo istrikto pa rin ay nangangahulugan na marami pa ring cases dito in fact ang capacity sa Simbahan ay nanatiling 10% pero kung papayagan naman ng local authority ay pwede na kaming mag-30%.” Dagdag pa ni Bishop Famadico.
Ibinahagi naman ni Bishop Famadico ang pagsusumikap ng mga Simbahan sa diyosesis na patuloy na maging daluyan ng pag-asa at biyaya sa pamamagitan ng mga Community Pantries at ng Caritas Kindness Stations sa iba’t ibang mga parokya.