441 total views
Patuloy na susundin ng Diocese ng San Pablo, Laguna ang 10-percent seating capacity para sa pagsasagawa ng religious activities ngayong isasailalim na muli sa Modified Enhanced Community Quarantine ang lalawigan simula mamayang hatinggabi.
Ayon kay Msgr. Jerry Bitoon, rektor at kura paroko ng Cathedral Parish of St. Paul the First Hermit, kailangang mahigpit na sundin ng Diyosesis ang panuntunan ng pamahalaang lungsod ng San Pablo upang matiyak ang kaligtasan ng mga mananampalataya sa banta ng Delta variant ng COVID 19.
“Katulad din ng previous MECQ, we’ll be observing ‘yung 10 percent capacity ng simbahan. Although of course, binibigyan naman ng option ang mga [local government unit] kung humingi ang simbahan na maging 30 percent… Whatever is being implemented ng LGU, we have to be compliant. So, hindi kami lumalampas doon,” ang bahagi ng pahayag ni Msgr. Bitoon sa panayam ng Radio Veritas.
Maliban naman sa mahigpit na panuntunan sa publiko hinggil sa pagsusuot ng facemask at faceshield, patuloy ring sinusunod sa buong Diyosesis ang iba pang minimum health protocols sa loob ng mga simbahan upang maiwasan ang COVID-19 transmission sa pagsasagawa ng mga religious activities.
“Yes, patuloy ‘yung observance namin ng mga social distancing sa loob ng simbahan plus ‘yung mga may screening, thermal scanning [at] mayroong alcohol. So, all these things are being observed,” saad ni Msgr. Bitoon.
Batay sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, muling isinailalim sa MECQ ang lalawigan ng Laguna, simula Agosto 16 hanggang 31.
Ito’y matapos na isailalim ang lalawigan sa isang linggong ECQ upang makatulong na mabawasan ang pagtaas ng kaso ng mga nahahawaan ng COVID-19 at Delta variant.
Kaugnay nito, mananatili pa rin sa ilalim ng MECQ ang mga lalawigan ng Cavite, Rizal, maging ang Lucena City, habang General Community Quarantine with heightened restrictions naman ang ipapatupad sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon hanggang Agosto 31.
Ayon sa huling ulat ng DOH-CALABARZON, naitala sa buong rehiyon ang 18,836 na kabuuang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19.
Sa nasabing bilang, ang Laguna ang pangalawa sa may pinakamataas na bilang ng aktibong kaso sa rehiyon na umabot sa 5,739, habang nangunguna naman ang Cavite na mayroong aktibong kaso na umabot na sa 7,314.