301 total views
April 29, 2020, 1:35PM
Inihayag ng obispo ng Diyosesis ng Sorsogon na kasalukuyang hinihintay ang kautusan ng lokal na pamahalaan sa mga nararapat gawin sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Bishop Jose Alan Dialogo, susunod lamang ang simbahan sa ipinag-uutos ng pamahalaan kaugnay sa pagkakaroon ng mga pagtitipon sa lalawigan habang nakataas ang GCQ.
“Hinihintay pa namin ang EO (Executive Order) ng Governor bago kami gagawa ng bagong protocol,” mensahe ni Bishop Dialogo sa Radio Veritas.
Matatandaang kabilang ang Sorsogon sa mga lalawigang inanunsyo ng Malakanyang na isailalim sa GCQ makaraang nanatili itong ligtas sa kumakalat na corona virus disease.
Isa ang diyosesis sa aktibong nakibahagi sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan na apektado ng Luzon wide enhanced community quarantine kung saan pinangunahan ni Bishop Dialogo ang pamamahagi ng tulong.
Noong ika – 22 ng Abril pinangunahan din ng obispo ang Musikamoot: Tagkos nin Diocesis, isang online benefit concert para sa mga frontliners at sa mga taong apektado ng krisis na dulot ng pandemic COVID 19.
Samantala, nagpalabas naman ng Executive Order No. 36 – 2020 si Sorsogon Governor Chiz Escudero para sa mga panuntunan sa mandatory quarantine at checkpoints na ipatutupad sa lalawigan ngunit hindi pa natalakay ang tungkol sa pagbubukas ng ilang pampublikong lugar tulad ng mga simbahan.
Nanatiling sarado ang mga simbahan sa Luzon dulot ng enhanced community quarantine at sa ibang bahagi ng bansa ngunit patuloy ang paghahatid ng mga banal na gawain gamit ang social media, radio at telebisyon.