12,481 total views
Kumikilos na para makatulong sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Bulusan ang Social Action Center ng Diocese of Sorsogon.
Batay sa monitoring ng Caritas Sorsogon, tinatayang nasa 45 pamilya o mahigit sa 150 indibidwal ang lumikas sa evacuation center sa bayan ng Juban matapos maapektuhan ng phreatic explosion ng bulkang Bulusan kahapon pasado alas diyes ng umaga araw ng linggo.
Ayon kay Rev. Fr. George Fajardo, Director ng Caritas Sorsogon, bagamat wala namang nagsilikas sa mga Simbahan ay nakikipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan para sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
Inihayag ng Pari na banta sa kalusugan ng mga residente ang abo na inilabas ng bulkan lalo na sa mga bata at may mga edad.
“Sa ngayon Wala Naman pong evacuees sa mga Simbahan ng Irosin at Juban. Ang immediate danger ay Ang paglanghap ng abo kaya meron na rin advisory ang mga LGU na stay at home at use ng facemask, hopefully umulan these days para maalis ang mga ash sa mga bubong at daan” mensahe ni Fr. Fajardo.
Nagdulot naman ng matinding trapik ang nasabing insidente lalo na para sa mga bumibiyahe patungo ng Matnog port na agad naming inaksyunan ng mga otoridad.
“Traffic to Matnog was stop from Juban because of the on-going road clean-up of the 3 inches of ash by the Fire Department. As of writing the Road is already open. The only damage to property is the ash on the roofs And leaves especially on the unharvested palay” mensahe mula kay Fr. Erandio
Kaugnay nito umapela ng tulong ang Diyosesis para sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
“As per MDRRMO Juban, beddings, masks, food pack, bottled water are the immediate needs in the Evacuation Center plus Respiratory meds/interventions” karagdagang mensahe ni Fr. Fajardo.
Nakataas ngayon ang alert level 1 sa bulkang Bulusan matapos ang nasabing phreatic explosion.
Dahil dito pinagbabawalan ang pagpasok sa 4 kilometers permanent danger zone at pinag-iingat ang mga residente sa paligid ng bulkan.