3,229 total views
Labis na nagpapasalamat ang Diocese ng Surigao sa maraming tulong na kanilang natatanggap matapos na masalanta ng bagyong Odette.
Sa panayam ng programang Caritas in Action kay Rev. Fr. Denish Ilogon, Social Action Director ng Diocese of Surigao, inihayag nito na sila ay nagagalak sa umaapaw na tulong at pagdadamayan na ipinapakita at ipinaparamdam ng maraming mananampalataya.
Sinabi ni Fr. Ilogon na magiging susi sa kanilang pagbangon ang patuloy na suporta galing sa iba’t-ibang mga lugar at tanggapan na Simbahan para sa kanilang mga programa.
“Alam namin na kung wala ang tulong ng iba’t ibang lugar yun mga taong sabi nga ay may puso na maawain hindi po magiging madali ang pagtanggap sa pangyayari dito, pero dahil maraming tumulong at nagbahagi ng resources, yun mga tao dito ay medyo nasisiyahan na din po kahit sa ganitong sitwasyon,” mensahe ni Fr. Ilogon.
Tiniyak ng Pari na patuloy silang aagapay sa pangangailangan ng mga residente lalo na sa bahagi ng rehabilitasyon kung saan sa kasalukuyan ay kanila nang pinag-aaralan ang magiging programa ng Diyosesis para dito.
“Nag-meeting kami sa Diocese kasama si Bp. [Antonieto] Cabajog na kami po ay nasa daan na ng rehabilitasyon unti unti dumadako na kami sa pagtulong sa rehabilitasyon ng kanilang mga pamamahay marami dito ang kanilang dinadaing ay humihingi ng yero at plywood.”
“Ito na ang direksyon na tinutungo namin at kung sino ang gusto tumulong ay very welcome po sa amin kahit anong tulong kami ay nagpapasalamat… lalo na para sa mga naapektuhan yun totally damaged ang bahay nila,” dagdag pa ng Social Action Director ng Diocese of Surigao.
Magugunitang labis na pinsala ang iniwan ng bagyong Odette sa Diocese ng Surigao partikular na sa Dinagat Island at Siargao na halos isang porsyento ng mga kabayaan ang nasira.
Sa datos ng lokal na pamahalaan ng Surigao Del Norte tinatayang nasa P20 bilyong piso ang halaga ng pinsala na dinulot ng nasabing bagyo.
Umaasa si Fr. Ilogon na sa pamamagitan ng patuloy na mga tulong mula sa iba’t-ibang grupo at mga institusyon ng Simbahan ay patuloy naman na makakabangon ang kanilang mga kababayan kasabay ng malakas na pananampalataya sa poong maykapal.
“Una po nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tumutulong at hanggang ngayon ay nagpapa abot ng tulong dahil sa walang sawang tulong ang mga tao dito alam ko makakabangon sila. Pangalawa yun mga dasal at panalangin galing sa mga tao lalo na sa aming sitwasyon alam ko nandiyan lagi ang Panginoon na tutulong sa amin at gagamitin niya ang ibang mga tao na instrumento para ang mga tao ay makabangon ulit ang Diocese ng Surigao,” pahayag pa ng Pari.