1,358 total views
Nakiisa si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa pagtitipon ng iba’t ibang christian denomination sa Bohol sa pagsimula ng Week of Prayer for Christian Unity.
Layunin nitong pagbuklurin ang pamayanan sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya tungo sa iisang hangaring maging lingkod ng Panginoon.
Sa pinagsamang pahayag ng grupo binigyang diin nitong hindi magiging hadlang ang pagkakaiba at tradisyon upang isulong ang paggalang at pagmamahal sa kapwa na magdudulot ng kapayapaang nakabatay sa katotohanan at katarungan.
“Through the spirit of cooperation, humility and Christian service, we pray and serve to the people of any color, creed and status as what Jesus did in His ministry. Together, we stand united and pray for the total development of both human and communities of Bohol province and the whole country that no one is left behind and in conserving and protecting the integrity of God’s creation.” ayon sa pahayag ng grupo.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang ‘Do Good, Seek Justice’ kung saan iba’t ibang gawain ang nakahanda mula January 18 hanggang 25.
Sinabi ni Bishop Uy na mahalaga ang pagkakaisa sa lipunan upang mapagtagumpayan ang anumang hamong kakaharapin para sa kapakinabangan ng nasasakupang kawan.
Bukod sa Diocese of Tagbilaran na pinangunahan ni Bishop Uy dumalo rin sa pagtitipon ang mga lider ng United Church of Christ Philippines – Bohol Chapter; Iglesia Filipina Indipendiente – Diocese of Bohol; UMC; PCEC- Bohol Coordinator; CEMABI; Jesus Is Lord Movement – Bohol; at ang NCCP -Bohol Regional Ecumenical Council.
Unang hiniling ni Pope Francis sa mananampalataya na ipanalangin ang bawat kristiyano na sa tulong at gabay ng Panginoon ay manahan ang Banal na Espiritu na magbibigay liwanag sa kaisipan ng tao.
1948 kasabay ng pagtatag ng World Council of Churches ay sinimulang ipagdiwang sa buong mundo ang walong araw na Week of Prayer for Christian Unity.