19,545 total views
Nakiisa ang Diocese of Tagbilaran sa pamayanan ng Prelatura ng Marawi na muling nahaharap sa banta ng karahasan makaraan ang pagpapasabog sa Dimaporo Gymnasium ng Mindanao State University.
Ayon kay Tagbilaran Bishop Alberto Uy, ang nangyaring karahasan sa gitna ng pagdiriwang ng Banal na Misa ay tahasang paglabag sa mga hakbang na ginagawa ng lipunan sa pagkakamit ng kapayapaan.
Binigyang diin ng obispo na walang puwang sa lipunan ang anumang uri ng karahasan na nagdudulot ng pagkakawatak-watak at pagkasira sa magandang ugnayan ng mga komunidad.
“We stand in solidarity with the people of Marawi and all those affected by this heinous act. Such appalling violence against individuals gathered for worship is an affront to the fundamental principles of peace, compassion, and respect for human life,” pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Dalangin ni Bishop Uy ang katatagan ng mga biktima sa insidente lalo na sa pamilya ng apat na indibidwal na nasawi gayundin sa mahigit 50 nasugatan sa pagsabog ng improvised explosive device.
Umaasa ang obispo na tuluyang mapanagot sa batas ang mga sangkot sa pambobomba upang mabigyang katarungan ang mga biktima lalo na ang mga nasawi kasabay ng kahilingang tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Apela ni Bishop Uy sa mamamayan na magkaisang isulong ang pagbubuklod ng pamayanan upang makamit ang payapang lipunan.
“In the face of such tragedy, let us remain steadfast in our commitment to promoting understanding, tolerance, and unity. May we find strength in our faith and in our shared humanity as we strive to overcome the forces of hatred and division,” giit ng obispo.
Hinimok ng opisyal ang mananampalataya na ipanalangin ang paghilom gayundin ang kaliwanagan ng isip ng bawat isa na magkasundong isulong ang kapayapaan.
“We pray for peace and healing for the community of Marawi and for the entire nation, and we call upon all people of goodwill to join us in seeking a future where such violence has no place,” ani Bishop Uy.
Kasabay ng isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad nanindigan si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na hindi kinakialangang magpatupad ng martial law sa rehiyon kasunod ng insidente.
Una nang nagpaabot ng panalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco sa pamayanan ng Marawi at sa lahat ng biktima ng MSU bombing.