3,721 total views
Umaapela ng tulong ang ilang mga lider ng Simbahan sa lalawigan ng Bohol matapos masira ng bagyong Odette ang ilan sa kanilang mga simbahan o parokya.
Ayon kay Talibon Bishop Daniel Patrick Parcon, labis silang nagpapasalamat sa mga tulong na kanilang natatanggap sa relief and rehabilitation efforts ng Diyosesis para sa mga mamamayan na naapektuhan ng bagyo mahigit dalawang buwan na ang nakakalipas.
Gayunpaman aminado si Bishop Parcon na suliranin din para sa kanila ngayon ang pagpapagawa ng mga nasirang simbahan.
Umaasa ang Obispo na sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagmamalasakit ng maraming mananampalataya ay muling maitatayo ang mga nasirang simbahan na nagsisilbing simbolo ng pag-asa para sa patuloy na pagbangon ng mga naapektuhang residente.
“Badly damaged talaga ang Diocese of Talibon, we have more or less 15 parishes that were damaged by the typhoon. Overwhelming damages, we have so many damaged churches at present…We don’t know were to start but your generosity and support keep us growing and we are so grateful and thankful to you,” pahayag ni Bishop Parcon sa panayam ng Radyo Veritas.
Ganito rin ang damdamin ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy matapos na masira ng bagyo ang ilang mga Simbahan sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Bishop Uy, ang ilan sa mga nasirang simbahan ay kakagawa pa lamang matapos na masira rin noong taong 2013 dahil naman sa naganap na magnitude 7.2 na lindol.
“We have serious damaged in Tubigon which was also damaged by the earthquake, then also in Cortes also damaged bago lang sila na-restore.. actually we are celebrating the final restoration project in Maribojoc [Bohol] but here again, the typhoon Odette cost a lot of damaged in Tubigon and Cortes.”
Nanawagan naman ng pagdarasal si Bishop Uy mula sa mga mananampalataya para sa patuloy na pagbangon ng mga naapektuhan ng bagyo.
“We simply appeal for your prayers that we can stand by this calamity…We appeal for financial assistance, if you want to share your blessings, we are here and happy to welcome any help you can extend to us,” pahayag pa ng Obispo ng Tagbilaran Bohol.
Layon naman ng Caritas Manila na tulungan ang mga diyosesis na naapektuhan ng bagyong Odette na muling maipatayo ang kanilang mga simbahan.
Sa ika-25 ng Marso taong kasalukuyan ay magsasagawa ng online concert ang Caritas Manila kung saan ang malilikom na pondo ay ilalaan para sa pagpapagawa ng mga nasabing parokya.
Nasa 10 diyosesis sa Pilipinas ang labis na napinsala ng bagyong Odette noong Disyembre ng taong 2021.