24,230 total views
Nagluksa ang Diocese of Tandag sa pagpanaw ni Bishop-Emeritus Nereo Odchimar.
Sa pabatid ng diyosesis pumanaw ang obispo alas 10:27 ng umaga ng February 1 sa San Pedro Hospital sa Davao City dahil sa metabolic encephalopathy bunsod ng end-stage renal disease at diabetic nephropathy.
Pinuri ng diyosesis ang masigasig na pagpapastol ni Bishop Odchimar sa loob ng halos 17 taon sa Tandag mula October 18, 2001 hanggang magretiro noong February 26, 2018.
“He continued to uphold the diocesan stand in protecting the integrity of environment against illegal logging and mining. He extended the work of evangelization by creating mission station, devotional chapel, quasi-parishes and parishes, and conducting pastoral visits reaching the far-flung areas of the diocese,” bahagi ng pahayag ng Diocese of Tandag.
Si Bishop Odchimar na tubong Bacuag, Surigao del Norte ay inordinahang pari noong December 19, 1964 at naging pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines noong 2009 hanggang 2011 at minsang pinamunuan ang Episcopal Commission on Canon Law.
Samantala iniulat din ng Diocese of Malaybalay ang pagpanaw ni Bishop-Emeritus Honesto Pacana nitong unang araw ng Pebrero makaraang mamalagi sa ICU ng Maria Reyna Xavier University Hospital sa Cagayan De Oro City.
Kinilala ng Malaybalay ang mga magandang programa ng obispo na nanilbihan sa lugar ng 16 na taon hanggang magretiro noong Pebrero 2010.
“During his term, he touched countless lives and inspired many with his wisdom, compassion, and devotion. As we mourn his loss, let us remember and celebrate the profound impact he had on our faith community,” ayon sa Diocese of Malaybalay.
Sa datos apat na obispo ang pumanaw sa unang bahagi ng 2024 sina Paagdian Bishop Ronald Lunas noong January 2, Davao Archbishop Emeritus Fernando Capalla ng January 6 habang sina Bishops Odchimar at Pacana sa parehong araw ng February 1.