310 total views
Tiniyak ng Diocese of Tarlac ang pakikibahagi sa pagdiriwang ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ng National Laity Week sa ika-18 hanggang ika-25 ng Setyembre na may temang “Celebrate as One in 2021: The Gift of Christianity, the Gift of Mission, the Gift of Unity.”
Ayon kay Rev. Fr. Jason Aguilar – Director ng Tarlac Diocesan Council of the Laity, isang Virtual Conference at Banal na Misa ang isasagawa sa diyosesis sa ika-25 ng Setyembre kung saan inaanyayahan ang lahat partikular na ang lay leaders ng diyosesis na makibahagi sa pamamagitan ng pagsubaybay sa live-streaming ng gawain sa Facebook page ng Tarlac Diocesan Council of the Laity (TDCL), Diocese of Tarlac at Radio Maria.
“Ang Tarlac Diocesan Coucil of the Laity ay makikilahok sa pagdiriwang na ito, sa September 25, Sabado po yun sa taong ito ay magkakaroon ng Video Conference virtual po ito sa ganap na alas-dos ng hapon kasunod nito ay ang pagdiriwang ng banal na misa sa ganap na alas-tres y medya ng hapon online din po ito. Sana’y makadalo po kayo sa online celebration ng National Laity Week dito sa Diocese of Tarlac lalong lalo na ang lahat po ng mga lay leaders ng ating diyosesis.” Ang bahagi ng paanyaya ni Rev. Fr. Jason Aguilar sa pamamagitan ng isang video message.
Sa pamamagitan naman ng isang sirkular ay hinikayat ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg ang bawat mananampalataya kabilang na ang mga lingkod ng Simbahan sa diyosesis na makibahagi sa pangkabuuang Pagdiriwang ng Pambansang Lingo ng mga Layko mula ika-18 hanggang ika-25 ng Setyembre.
Inanyayahan rin ng Obispo ang bawat isa sa lokal na pagdiwang ng diyosesis kung saan tampok sa Virtual Conference and Forum si Sangguniang Laiko ng Pilipinas Executive Vice President Ms. Rosalinda Y. Basas na magbabahagi ng kanyang mga pagninilay kaugnay sa paksang “New Perspective of Christian Mission: Rebuilding the Role of the Laity During the New Normal” na susundan naman ng isang banal na misa na pangungunahan ni Bishop Macaraeg.