361 total views
March 30, 2020, 12:54
Ibinahagi ni Diocese of Tarlac Social Action Director Rev. Fr. Randy Salunga ang pagsunod ng mga mamamayan sa Tarlac sa direktiba ng pamahalaan kaugnay sa ipinatutupad na Luzon-wide Enhanced Community Quarantine bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng Coronavirus Disease 2019.
Ayon sa Pari, bagamat may ilang mga residente pa rin ang makikita sa lansangan ay bunsod sa pag-aasikaso sa mga pangunahing pangangailangan ng pamilya tulad ng pamimili ng mga pagkain, gamot at transaksyon sa banko.
Gayunpaman, ibinahagi ni Fr. Salunga na sa tuwing pagsapit ng alas-otso ng gabi ay ganap ng tahimik ang lalawigan dahil sa pagsunod ng mga mamamayan sa ipinatutupad na curfew ng pamahalaan.
“Sa ngayon po kagaya po ng direktiba rin po ng aming City government nag-iikot din po kasi sila inaanunsyo po, may mga bukas pa rin pong establisyemento kagaya din sa mga palengke, mga groceries, ganun mga botika, mga banko kaya time and time again may makikita ka pa din na lumalabas na mga tao. Pero yung alas-otso dahil dun sa curfew ay talagang ano po tahimik na tahimik…”pahayag ni Fr. Salunga sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang ibinahagi ni Fr. Salunga ang paglilikom ng tulong na ginagawa ng Caritas Tarlac upang maipamahagi sa mga mahihirap sa lalawigan na lubos ring apektado ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine.
Matatandaang tiniyak ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg ang pagtugon sa tagubilin ng CBCP at maging sa direktiba ng Tarlac Provincial Government na iwasan ang malaking pagtitipon.
Read: https://www.veritas846.ph/diocese-of-tarlac-tatalima-sa-cbcp-circular-letter-20-14/