168 total views
Tutulong ang Diocese of San Jose, Nueva Ecija sa mga biktima ng El Niño sa kanilang lugar matapos ang kanilang isinasagawang assessment sa mga nasasakupan nitong apektado ng matinding tagtuyot.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, ayon kay Bishop Roberto Mallari, ramdam na ramdam na ng kanyang mga kababayan lalo na ang mga magsasaka ang epekto ng matinding tagtuyot na hindi pa rin naaabutan ng tulong ng pamahalaan para sa kanilang panibagong pagtatanim.
Kabilang sa mga kailangan ng mga magsasaka ay mga binhi at patubig upang makapagsimila silang makapagtanim.
Sinabi pa ni Bishop Mallari na sa ngayon, nakatuon pa rin ang kanilang pagtulong sa mga naapekthan nilang kababayan ng matinding bagyo noong 2015.
“So far, nag-a-assess pa lang kami sa epekto ng El Niño ngayon, nakatuon pa ang aming pagtulong sa mga biktima ng bagyo pa lamang ang aming tinutulungan at this moment, sa El Niño nasa assessment period pa lamang kami.” Pahayag ni Bishop Mallari sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan, 9 na lalawigan na sa bansa karamihan nasa Mindanao ang nagdeklara na ng state of calamity bunsod ng epekto ng matinding tagtuyot sa kanilang kabuhayan kung saan nasa mahigit P5-bilyon na ang halaga ng mga pananim na nasira.
Una ng inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang Laudato Si na pangalagaan natin ang kalikasang ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang hindi makaapekto ng labis sa mamamayan ang mga kalamidad gaya ng El Niño na isa sa epekto ng climate change kung saan mahihirap ang labis na naaapektuhan.