857 total views
Ikinagalak ng Diocese of Tandag ang pagbibigay pansin ni President Rodrigo Roa Duterte sa kasalukuyang sitwasyon ng mga katutubong Lumad.
Ayon kay Diocese of Tandag Social Action Director Fr. Antonio Galela, matagal ng suliranin ang kalbaryo ng mga nagsilikas na mga Lumad sa Mindanao.
Umaasa ang pari na tuluyan ng makabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga nagsilikas na Lumad dahil sa karahasan at militarisasyon.
Inamin ni Father Galela na ang pagmimina ang isa sa mga dahilan kaya’t napaalis ang mga Lumad sa kanilang lupang tinitirhan at umaasa ito na dahil sa aksyon na ginagawa ngayon ng pamahalaan partikular na ng DENR ay mabibigyan na ito ng solusyon.
“Yun ang problema talaga sa amin yung mga lumad hanggang ngayon nandun pa din sila sa evacuation center hindi pa din sila makabalik sa kanilang bahay at saka were just hoping na meron talagang mangyari lalo na yung sa binabanggit niya na mining activity,”pahayag ni Fr. Galela sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunitang umabot sa may 3 libong mga katutubong Lumad ang nagsilikas sa Tandag Sports Complex matapos ang serye ng karahasan sa kanilang mga kasamahan.
Inihayag ni Fr. Galela na bukas ang Simbahan sa pakikipagtulungan sa pamahalaan upang mabigyan ng katarungan at makabalik na ang mga Lumad sa kanilang mga lupang tirahan.
Magugunitang ang Diocese of Tandag ang isa mga tumulong upang mabigyan ng sapat na pagkain ang mga nagsilikas na Lumad matapos na magpadala ang Archdiocese of Manila ng P400 libong piso na tulong para sa mga katutubo.