244 total views
Nakahanda na ang Diocese of Tarlac para sa pakikiisa sa simultaneous Nationwide Walk for Life bukas ika-24 ng Pebrero, 2018.
Ayon kay Fr. Jason Aguilar, Chairman ng Commission on the Laity ng Diocese of Tarlac, tulad ng magaganap sa Quirino Grandstand ay alas-kwarto ng madaling araw rin magsisimula ang pagkilos ng Diocese of Tarlac.
Pagbabahagi ng Pari, magsisimula ang programa sa Tarlac City Plazuela kung saan magtitipon-tipon ang lahat ng mga parokya mula sa bawat vicariate ng diyosesis kasama ang iba’t ibang mga religious organizations bago maglakad paikot sa mga pangunahing bayan sa Tarlac.
Sa pagtataya ayon kay Fr. Aguilar, ganap na alas-syete nang umaga makararating ang mga delegado sa Tarlac Cathedral – San Sebastian Cathedral kung saan pangungunahan ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg ang banal na misa.
“Yung Walk for Life activity po namin dito sa Diocese of Tarlac will be on February 24 – 4 o’clock am ang assembly po ay sa Tarlac City Plazuela doon po magsisimula ang lahat ng mga delegates and participants of the said activity at doon po sa mismong Plazuela nakaayos na po per Vicariate ng Diocese at mga religious organizations, dito po siya magsisimula and then maglalakad po within the major cities of Tarlac at 7o’clock am approximately makakarating po tayo sa Tarlac Cathedral – San Sebastian Cathedral at doon po magsi-celebrate ng ating banal na misa to be celebrated by our Bishop Enrique Macaraeg…” pahayag ni Fr. Aguilar sa panayam sa Radyo Veritas.
Samantala, kumpiyansa rin ang Pari na mas marami ang makikibahagi sa pangalawang pagkakataong pakikiisa ng diyosesis sa Walk For Life lalut higit isang buwang pinaghandaan ng diyosesis ang pamamahagi ng impormasyon at ang pakikipag-ugnayan sa lahat ng miyembro ng Tarlac Diocesan Council of the Laity na kinabibilangan ng Parish Pastoral Council Presidents and Vice Presidents at lahat ng mga diocesan heads ng mga diocesan organizations.
Batay sa tala, mayroong 7 vicariate ang Diocese of Tarlac na binubuo ng 59 na mga parokya kung saan nasa higit 887-libo ang mga mananampalatayang Katoliko.
Bukod sa Diocese of Tarlac nakibahagi rin sa pagpalawig sa panawagan ng paninindigan para sa buhay ang Diocese of San Pablo, Archdiocese of Cebu at Archdiocese of Cagayan.