176 total views
Isusumite na ngayong araw ng Diocese of Virac sa Catanduanes sa mga charity group ng Simbahan ang data na nakalap sa kanilang assessment sa mga nasira ng Bagyong Nina sa mga lugar na nasasakupan nito.
Ayon kay Rev. Fr. Renato dela Rosa, social action center director ng diocese, ito ay upang maibahagi na ang mga tulong na ibibigay ng ibat-ibang grupo para sa rehabilitasyon ng mga nasira ng bagyo.
Dagdag ni Fr. Dela Rosa, sa kanilang assessment nasa mahigit 4,000 mga bahay ang nasira ng Bagyong Nina sa anim na bayan ng San Andres, San Miguel, Virac, Bato, Gigmoto at Caramoran sa Catanduanes.
Pahayag ng pari, focus ang Simbahan sa rehabilitasyon sa mga nasira ng pinakahuling bagyo ng 2016 gaya ng pagbibigay ng materyales sa pagpapagawa ng mga bahay na nasira.
Ayon kay Fr. Dela Rosa, ito ay dahil dagsa naman ang relief distribution sa mga naapektuhan ng kalamidad mula sa ibat-ibang institusyon kabilang na ang Simbahan.
“Nasa mahigit 4,000 bahay ang nasira ng bagyo sa anim na bayan sa Catanduanes, so patuloy ang assessment and baka now ma-isubmit na naming ngayong araw ang result…sa relief goods, di na kami gaano nga focus dahil dagsa naman ang mga tulong kaya ang intervention ng lokal na Simbahan ng Diocese of Virac ay sa shelter rehabilitation ng mga nasalanta ng bagyo.
Kaugnay nito, bagamat nagpadala na ng pinansyal na tulong ang Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng Caritas Manila sa mga biktima ng bagyo, hindi pa rin ito natatanggap dahil sira pa rin ang mga pasilidad sa mga bangko sa Diocese of Virac.
“So far hindi pa namin na check ang bangko dito, sira sira kasi ang pasilidad ng mga bangko maliban pa sa walang kuryente at holiday ng ilang araw,” pahayag ni Fr. Dela Rosa.
Una ng tumugon ang Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng Caritas Manila sa apelang tulong ng Archdiocese of Nueva Caceres, Diocese of Legazpi at Diocese of Virac na matinding napinsala sa pananalasa ng bagyong Nina kung saan sa Virac P500,000 ang ibinahaging halaga ng tulong.