350 total views
Nananawagan ng panalangin at tulong ang mga apektadong Diyosesis sa lalawigan ng Samar na direktang tinamaan ng Bagyong Jolina.
Ayon kay Diocese of Borongan Social Action Director, Fr. James Abella, bagamat naghanda ang diyosesis sa posibleng epekto ng bagyo, ikinabigla pa rin ng mga residente ang mabilis na paglakas nito.
Nagdulot ng pinsala ang Bagyong Jolina sa mga bahay, maging sa ilang mga simbahan at kapilya, ngunit ipinagpapalamat naman ni Fr. Abella na walang nasawi mula sa sakuna.
“Ang bilis ng transition from tropical depression – tropical storm, severe tropical typhoon — into typhoon. All in one on the same day. Maraming nasirang mga bahay, especially ‘yung mga nasa temporary shelters pa din. ‘Yung linya ng kuryente apektado. May mga simbahan/chapels na nasira at nasiraan. But thankful kami na walang casualties,” pahayag ni Fr. Abella sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, ayon naman kay Diocese of Calbayog SAC Director, Msgr. Niceas Abejuela na may mga naitalang pagguho ng lupa dulot ng pag-uulan partikular na sa Barangay Silanga, Catbalogan City.
Habang nakapanayam rin ng himpilan ang dating SAC Director ng Calbayog na si Fr. Guillermo Alorro, at sinabing lubos na naapektuhan ng Bagyong Jolina ang mga isla ng Daram at Sto. Nino sa Samar.
“Dalawang island parish ang naapektuhan po Daram at Sto. Niño islands. Karamihang mga sasakyang pang dagat ng mga mangingisda ang nasira at 2 motorboat public transportation ang nasira,” pahayag ni Fr. Alorro sa mensahe sa himpilan.
Kaugnay nito, nagpaabot ng panalangin si Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos para sa kaligtasan ng sambayanang Filipino ngayong ang bansa ay nahaharap sa iba’t-ibang suliranin at krisis sa kalikasan.
Panalangin ni Bishop Santos na pagkalooban ng Diyos ang bawat isa nang lakas ng loob upang matatag na harapin ang lahat ng pagsubok sa buhay, gayundin ang patuloy na pagmamalasakit lalo na sa mga higit na nangangailangan ng tulong.
“Almighty God, in this time of rain and typhoons, we seek Your grace and guidance. Lead us to safety and make us strong amidst calamities. Grant us Your grace to make us responsible for one another. Make us courageous to face all adversities and charitable to help,” panalangin ni Bishop Santos.
Batay sa huling ulat, umabot na sa 11-katao ang nasawi dahil sa Bagyong Jolina, habang aabot naman sa mahigit P179-milyon ang halaga ng iniwan nitong pinsala sa mga pananim.
Ayon naman sa huling ulat ng PAGASA, huling namataan ang Bagyong Jolina sa layong 240 kilometrong kanluran ng Dagupan City, Pangasinan, at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility mamayang gabi.