187 total views
Ang ating bansa ay bulnerable sa mga natural disasters at iba ibang sakuna, kaya’t napakalahaga na tayo ay laging handa.
Dahil sa ating geographical location, ang ating bansa ay daanan ng bagyo. Ayon nga sa PAGASA, mahigit pa sa 20 na bagyo ang regular na dumadaan sa ating bansa kada taon. Malaking pinsala ang dala nito sa ating bansa. Ayon nga sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank, mula 1990 hanggang 2020, maaring umabot na ng $20 billion ang kabuuang impact ng mga bagyo sa ating bayan.
Ang ating bansa din ay nasa loob ng ring of fire, kaya bulnerable rin tayo sa mga volcanic eruptions. Maraming mga bulkan sa ating bansa, at tinatayang mga 24 ang aktibo sa mga ito. Ang pagputok ng bulkang Taal noong nakaraang taon ay nagdulot ng pinsalang nagkakahalga ng mga $8 bilyon o higit pa.
Ang iba pang mga sakuna gaya ng landslide pati pagbaha ay regular ding pangyayari sa maraming lugar sa ating bansa. Malaking halaga din ng pera ang pinsalang dulot nito sa bayan. Ngunit higit sa pera kapanalig, ang buhay ng ating mga mamamayan ang laging nasa peligro dahil sa mga sakuna.
Nararapat lamang na mabigyan ng ating pamahalaan ng sapat na atensyon, at lalo na, sapat na funding, ang mga pagkilos upang makapaghanda, makalaban, at maka-ahon laban sa mga sakuna at anumang emergency na maaring danasin ng ating bayan. Mahalaga rin na suriing mabuti kung sapat ba ang budget ang ating nilalaan para sa mga sakuna at emergencies, at kung may nakaligtaan ba tayong isama sa budget. Isang halimbawa ay ang paglalaan ngayon ng budget para sa mga public health emergencies naman. Ang pandemyang nararanasan ng ating mundo ngayon ay isang eye-opener – ang mga sakit ay maari ring malawakan ang sakop at maari ring itigil ang ekonomiya ng anumang bansa. Noong 2020, PHP16 billion ang disaster funding ng bayan, ngunit nagkulang ito dahil na rin sa COVID.
Ang kahandaan para sa anumang uri ng sakuna ay obligasyon nating lahat. Ang emergencies at mga disasters ay walang pinipiling biktima, ngunit laging mas apektado nito ang mga maralitang nasa laylayan ng lipunan. Bilang Katoliko, tayo ay inaatasan na mahalin natin ang ating kapwa. Ang pagmamahal na ito ay kongkreto nating mapadarama sa pamamagitan ng mga polisiya at pagpopondo na tunay na makatao at pro-poor, gaya ng pagbibigay na sapat na alokasyon para sa disaster funding.
Sumainyo ang Katotohanan.