332 total views
Kapanalig, ngayong panahon ng tag-ulan, kaliwa’t kanan ang mga nakikita, naririnig, at nararanasang mga pagbaha, pati na rin pagguho ng lupa. Maraming mga pagkakataon na ang simpleng pagbaha na ito ay nagiging malaking sakuna, kaya’t dapat lagi tayong handa.
Marami sa ating mga kababayan ang kadalasang nakukulong sa ideya na ang disaster preparedness at safety ay isyung dapat hinahawakan ng mga lokal na gobyerno lamang. Barangay lagi ang ating inaasahan na magsasabi sa atin kung kailan tayo lilikas, kung ano ang ating gagawin, kung saan tayo pupunta. Tama lang na ang ating barangay ay laging handa. Pero tayo rin, at ang ating pamilya, ay dapat laging handa.
Disaster preparedness starts at home. Kapanalig, ang disaster o sakuna ay maaaring mangyari kahit anong oras, at kadalasan, wala pang babala o warning. Dahil dito, mainam na lagi tayong protektado, at lagi tayong handa.
Una dapat nating gawin ay alamin kung ano ba ang mga hazards o panganib sa ating lugar na tinitirhan at ginagalawan. Kapag alam mo na ang mga karaniwang panganib sa iyong lugar, gumawa ng preparedness plan na angkop sa sitwasyon. Kung bahain sa inyong lugar, halimbawa, ano ang mga dapat gawin ng iyong mga pamilya upang maging ligtas kayo at ang mga gamit niyo dito?
Kailangan din ninyo alamin kung ano ang mga warning systems sa inyong barangay. Isang halimbawa ay sa Marikina, kung saan may alarm signal sila batay sa taas ng lebel ng ilog. May mga barangay naman na may mga kawaning umiikot sa mga kabahayan o nag-aa-announce gamit ang loudspeaker.
Mainam din kapanalig, na alam natin ang numero hindi lamang ng barangay kundi pati ng bumbero, pulis, maging ang red cross. Huwag lang lagi mag post agad na naghahanap ng tulong o mag-live. Kapag alam mo ang mga numerong ito, alam mo kung sino dapat ang tawagan upang mabilis na magresponde ang tamang ahensya.
Ang pamilya din dapat ay laging nag-uusap. Mag-assign ng mga responsibilidad o assignment na dapat tutukan ng bawat isa kapag may sakuna. Magplano kung ano ang gagawin, saan pupunta, at saan magkikita sakaling dumating ang sakuna. Lagi dapat may handang go-bag o emergency bag ang bawat isa sa inyo.
Kapanalig, dapat tayo ay laging handa, from the family level up to the national level. Ayon nga sa World Bank, bulnerable ang ating bansa sa mga natural na sakuna. Tinatayang 60% ng ating land area at 74% ng ating populasyon ay exposed o lantad sa iba-ibang panganib gaya ng baha, bagyo, tagtuyot, lindol, pagguho ng lupa, pati na rin tsunamis. Kapag tayo ay handa, ligtas tayo kapanalig, at ang takot ay hindi kakapit. Sabi nga sa Gaudium et Spes, nakatali sa maayos na estado ng pamilya ang wellbeing o kaayusan at kagalingan ng mga indibidwal.
Sumainyo ang Katotohanan.