163 total views
Ikinakasa na ng Caritas Philippines, Caritas Manila at himpilan ng Radyo Veritas ang isasagawang 1st national disaster response summit kasama ang hindi bababa sa 50 Disaster Prone Dioceses sa Pilipinas.
Sa pagpupulong na isinagawa ng nasabing tatlong institusyon ng Simbahan pinagtibay ang layunin nito na mas mapaigting ang kahandaan ng mga diyosesis mula sa mga mapaminsalang kalamidad lalo na’t papasok na ang buwan ng Hunyo o ang panahon ng tag-ulan.
Isasagawa ang National Disaster Response Summit mula ika-30 ng Mayo hanngang ika-1 ng Junyo sa Legaspi Albay na kilala sa kanilang kahandaan pagdating sa mga kalamidad.
Inaasahan din ang partisipasyon ng iba’t-ibang international Caritas organization sa nasabing pagpupulong ganun na rin ang iba pang grupo at institusyon ng Simbahan at Pamahalaan.
Magugunitang ang Pilipinas ay nakararanas ng hindi bababa sa 20 Bagyo kada taon habang ang kasalukuyan nararanasan El Nino sa bansa ay maituturing na isa sa mga pinakamapaminsala sa nakalipas na 50 taon.
Sa mga nakalipas na taon ay aktibong tumutugon ang Simbahan Katolika sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Ilan lamang dito ay ang patuloy na pagtugon ng NASSA/Caritas Philippines sa pangangailan ng mga naapektuhan ng bagyong Yolanda na umabot na sa halos 3 Bilyong piso habang ang Caritas Manila na nasa ilalim ng pamunuan ng Archdiocese of Manila ay naglabas ng halos 20 milyong piso sa taong 2015 para matugunan ang pangangailangan ng iba’t-ibang biktima ng kalamidad.
Batay sa ulat ng United Nations noong taong 2015, pang-apat ang Pilipinas sa mga bansa na pinakanakakaranas ng mga kalamidad.
Ang Caritas Internationalis na tumatayong pinuno ng may 165 Social Service organization ng Simbahang Katolika sa buong mundo ay pinamumunuan ngayon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.