168 total views
Tinalakay ni Mgsr. Clemente Ignacio, Vicar General ng Archdiocese of Manila at Commissioner ng Archdiocesan Office of Communication sa monthly recollection ng Quiapo Church ang Crisis of Truth na inilahad ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang Circular Letter.
Pagbabahagi ni Msgr. Ignacio, samu’t saring usapin ang umiiral ngayon sa lipunan na kinakailangang mapagnilayan ng mga mananampalataya upang makita ng mga ito ang katotohanan sa gitna ng lumalaganap na mga kasinungalingan.
“Sinasabi sa atin ng ating Kardinal, ang krisis na ito ay krisis ng katotohanan, tayong mga Kristiyano alam natin na katotohanan lang ang magpapalaya sa atin. Ang katotohanan lang ang mabibigay ng tunay na kalayaan, ang katotohanan lang ang magbibigay ng buhay.” Bahagi ng Pahayag ni Msgr. Ignacio.
Naniniwala ang Pari na tanging Discernment o taimtim na pagninilay at pananalangin lamang ang susi upang masumpungan ng mga mananampalataya ang katotohanan na nagmumula sa Panginoon.
Dagdag pa ni Msgr. Ignacio, ang discernment na isang katangian upang matukoy ang mabuti sa masama ay biyaya ng Panginoon na dapat hilingin ng mga mananampalataya na maipagkaloob sa kanila.
Samantala, kabilang sa iba pang mga paksang tinalakay sa recollection ang plano ng pamahalaan na pagbabago ng konstitusyon, ang kawalan ng katarungan, usapin ng Migration, Kontraktwalisasyon, pagbabago ng klima at pagkasira ng moralidad sa lipunan.