305 total views
Kapanalig, opisyal na datos na mismo ang nagsasabi sa atin na hindi sapat ang economic growth upang maiangat tayong lahat sa kahirapan. Kailangan ang paglago ng ekonomiya na ito ay “inclusive, sustainable, and with productive employment opportunities.” Kailangang dama ng lahat ang paglago ng ekonomiya. Madadama lamang ito kung may disenteng trabaho ang bawat mamamayang Pilipino.
Kaya lamang, mukhang malabong makalalampas tayo ng karalitaan sa nalalapit na hinaraharap. 40 percent ng ating trabaho sa bansa ay sinasabing “vulnerable.” Ano nga ba ang vulnerable work at sino nga ba ang mga vulnerable workers?
Ang vulnerable work ay mga trabahong walang kasiguraduhan at halos walang bayad, Ang mga vulnerable workers ay yaong mga nagtatrabaho bilang self-employed workers na walang bayad, o mga walang bayad na kasapi ng pamilya na nagtatrabaho sa mga negosyo o silang mga tinatawag na mga contributing family workers.
Tatlo sa limang vulnerable workers ay lalake at karamihan nasa edad 24 hanggang 54. Pito sa sampung vulnerable workers ay may asawa. Karamihan sa kanila ay nasa agriculture o services sector. Sobra sa kalahati sa bilang ng mga vulnerable workers ay mga part-timers lamang. Mabagal din ang pagtaas ng sweldo o kita sa kanilang hanay.
Ang pagiging bulnerable kapanalig, ay mahirap. Hindi mo sigurado kung hanggang kailan ang iyong kita. At kahit pa maliit pa ito at hindi sapat, napakahalaga parin nito para sa survival o pamumuhay ng iyong mag-anak.
Kadalasan, kapanalig, halos walang dignidad ang vulnerable work. Mahirap ang trabaho, ngunit halos walang balik. Hindi pa dumarating ang sweldo , nautang mo na ito. Ano nga bang nararapat gawin para maka-ahon naman sa hirap ang ating mga vulnerable workers?
Kapanalig, baka kailangan tingnan naman ng ating mga pinuno ang mga polisiyang sumasakop sa mga vulnerable workers. Makatarungan ba ang mga ito? Pinahihintulutan ba nitong makamit ng ordinaryong manggagawa hindi lamang ang lahat ng kanyang karapatan, kundi ang kaganapan niya bilang taong may angking dignidad?
Paalala ng dating Pope Benedict sa Sacramentum Caritatis: Ang trabaho ay napakahalaga sa kaganapan ng tao at sa pagsulong ng lipunan. Ito ay dapat maisaayos at mapatakbo ng may malalim na pag-galang sa dignidad ng tao.
Kapanalig, kalampagin din natin ang pamahalaan ukol sa isyu na ito. Ang disenteng trabaho ay isang mahalagang isyu ng ating bayan ngayon, at maari rin itong maging tugon sa iba pang mga problema ng bansa, hindi lamang ng kahirapan.