252 total views
Tiniyak ni Cebu Auxiliary Bishop Oscar Florencio – Administrator ng Military Ordinariate of the Philippines ang isang daang porsyentong kahandaan ng Simbahan at pamahalaan sa nalalapit na kapistahan ng Santo Niño de Cebu.
Ayon sa Obispo, hindi kinakikitaan ng hidwaan ang pagtutulungang ginagawa ng pamahalaan at simbahan para sa nalalapit na kapistahan.
Aniya, maayos ang koordinasyon sa seguridad, daloy ng trapiko, at inaasahang pagdagsa ng mga turista at deboto ng Santo Niño de Cebu.
Dagdag pa ni Bishop Florencio inihanda na rin ng simbahan ang pagdiriwang ng maraming misa simula alas kwatro ng umaga hanggang alas siete ng gabi upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga deboto na makadalo.
“Well as far as I’m concerned and as far as the church is concerned, they are hundred percent ready because hindi lang ito involvement for the Augustinian but also the whole Archdiocese also is involved here. What I’m saying is that there are people and priests who have been asked to also take part to the celebration specially sa prusisyon, sa mass and then of course the other celebrations and other activities I think they are doing well,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radyo Veritas.
Samantala, pinaalalahanan naman ng Obispo ang mga deboto na pairalin ang disiplina upang maging maayos ang daloy ng mga aktibidad para sa kapistahan.
Sinabi nito na ang pagdedebosyon ay maaaring ipamalas ng mga mananampalataya araw-araw kaya naman mahalagang sundin ng mga deboto ang mga panuntunan at regulasyon para sa maayos na pagdiriwang ng Kapistahan ng Señor Santo Niño de Cebu.
“Take note that this is our devotion that we can always do every day the most important thing is we have to take note the discipline and to follow lang tayo sa order so that everything will be okay for us.” Dagdag pa ni Bishop Folorencio.
Ang Archdiocese of Cebu ay mayroong humigit kumulang 3.7milyong mga mananampalatayang Katoliko na inaasahang makikiisa at maghahandog ng pasasalamat sa Señor Santo Niño ngayong darating na ika-20 ng Enero.
Bukod dito, libu-libo pang mga mananampalataya at turista ang inaasahan din na dadagsa sa Cebu upang saksihan ang maringal na kapistahan ng Señor Santo Niño.