2,406 total views
Mahalaga ang kontribusyon ng mga may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) sa ating lipunan. Kaya nga’t nakakapagtataka, kapanalig, kung bakit marami sa kanila ang nakakaranas ng matinding diskriminasyon.
Ayon sa United Nations Human Rights Office of the High Commissioner, matinding diskriminasyon ang kinakaharap ng maraming PWDs sa buong mundo. Ang kanilang bilang ay umabot na ng mahigit pa sa 650 million, at marami sa kanila ay maralita at hindi nabibigyan ng pagkakataon na malayang makilahok sa lipunan. Marami sa mga PWDs, simula pagsilang pa lamang, ay deprived o hindi na nabibigyan ng mga benepisyo at karanasan na normal na tinatamasa ng mas nakakarami.
Marami sa kanila ang hindi nakakapag-aral at nakakapagtrabaho. Marami sa kanila, dahil nakukulong ng kanilang kapansanan, ay hindi na nakakapag-asawa at nagkaka-anak. Maski ang pagboto ay hindi magawa ng maraming PWDs. Ayon nga sa UN handbook na “From Exclusion to Equality: Realizing the Rights of Persons with Disabilities,” 20% ng pinakamahirap sa buong mundo ay mga PWDs, 98% ng mga batang may kapansanan sa mga developing countries ay hindi nakapag-aral, at ikatlo o one-third ng mga batang lansangan ay may kapansanan.
Sa ating bansa, ang diskriminasyon sa PWDs ay nangyayari pa rin, kahit pa may Magna Carta for Disabled Persons simula pa noong 1992. Ito nga lamang Hunyo, nanawagan ang mga PWDs ng Cebu kay Pangulong Duterte na gibain ang mga hadlang sa kanilang access sa trabaho. Ayon nga sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2013, ang proporsyon ng mga PWDs na may trabaho sa mga urban areas ay 58.3% habang sa mga rural areas, 41.9%. Mahigit pa sa kalahati ng may trabaho o negosyo na PWDs ay naghahanap pa ng karagdagang trabaho upang makadagdag sa kita. Ayon pa sa pag-aaral, karamihan sa mga employed PWDs sa mga rural and urban areas ay tinuturing na vulnerable workers. Underemployed kasi ang marami sa kanila, sa mga trabahong gaya ng unskilled labor, pagtulong sa pagsasaka, pagmamasahe, at iba pa.
Kapanalig, bago makarating sa kanilang mga trabaho ang mga PWDs, katatakot takot na hadlang ang kanilang kailangan malampasan, hindi lamang sa panahon ng aplikasyon kundi sa araw araw na pagpasok. Anong paraan ba ang magagawa natin upang maging instrumento ang ating lipunan para sa mas makabuluhan at aktibong partisipasyon ng mga PWDs sa ating lipunan?
Ang panlipunang turo ng Simbahan ay nagpapa-alala sa atin ng prinsipyo ng solidarity, isang paraan upang kongkreto nating matulungan ang PWDs na maabot ang kaganapan ng kanilang pagkatao. Si Saint Pope John Paul II ay may hamon sa atin, mula sa kanyang encylclical na Sollicitudo Rei Socialis. Sana ito ay maging inspirasyon sa atin: Tayo ay isang pamilya. Upang maging mas maganda ang buhay sa ating mundo, itaguyod natin ang mga pamayanan na nagpapalakas sa bawat isa upang maabot natin ang ating kaganapan bilang anak ng Diyos. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagbibigay respeto sa dignidad, karapatan at responsibilidad ng ating kapwa.