4,446 total views
Bubuksan ng Archdiocese of Manila ang Divine Mercy Chapel for 24/7 Confessions upang bigyang pagkakataong makipag-ugnayan sa Panginoon ang mga naghahanap ng kapahingahan at kapatawaran.
Sa ginanap na groundbreaking ceremony sinabi ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula na isa ito sa hakban ng arkidiyosesis sa pagpapalawig ng mga programang pang espiritwal kung saan bukas anumang oras ang kapilya sa mga magbabalik loob at makipagkasundo sa Panginoon.
“God has always been waiting for the preeminent moment when a person can feel, can do, and can approach the sacrament of reconciliation. So, we envisioned that this can be a place where anytime a person can avail himself of the sacrament of reconciliation,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Ayon pa sa cardinal na hindi lamang ito mapakikinabangan ng arkidiyosesis kundi bukas ito para sa lahat ng nagnanais mangumpisal at maging ng counseling.
Itatayo ang 24/7 confession chapel sa Our Lady of Guadalupe Minor Seminary Complex sa Makati City sa gawi ng EDSA malapit sa MRT Guadalupe Station upang mas madaling puntahan ng mga tao.
Bukod sa kapilya itatayo rin sa lugar ang Shrine of St. Joseph of the flight to Egypt para sa mananampalatayang naglalakbay at nalalayo sa bayang sinilangan upang maghanapbuhay para tustusan ang pangangailangan ng pamilya.
“We will soon also be inaugurating the Shrine of St. Joseph of the flight to Egypt for our brothers and sisters who are in another island working for their families; This will be also a place where they can pray and find consolation as they feel homesick and miss their families,” ani ng cardinal.
Dito rin napagkasunduan ng arkidiyosesis ang pagtatayo ng retirement home para sa mga retirado at may karamdamang pari ng arkidiyosesis upang magkaroon ng pagkakataon na makisalamuha sa mga kabataang hinuhubog ang bokasyon sa pagiging lingkod ng simbahan.
Tiniyak ni Cardinal Advincula ang pagpapalawak sa mga programang tutugon sa pangangailang pisikal, mental at higit sa lahat sa espiritwal na buhay ng mananampalataya kaisa sa misyon ng simbahan na paigtingin ang paglilingkod lalo’t higit sa nangangailangan.