238 total views
Hinikayat ni Cebu Auxiliary Bishop Oscar Florencio at kasalukuyang administrator ng Military Ordinariate ang sambayanang Filipino na tutulan ang panukalang diborsyo na nakabinbin sa kongreso.
Ayon kay Bishop Florencio, mas maraming negatibong epekto ang paghihiwalay ng mga mag-asawa kumpara sa kabutihang dulot ng panukalang batas.
“We have to take this seriously. Because the damages ay irreversible. Mas marami ang damages, mas marami ang immoralities that will come out of divorce than the good that divorce can offer,” ayon kay Bishop Florencio.
Iginiit ng Obispo na ang panukala ay malinaw na pag-atake sa lipunan dahil ang pamilya ang pangunahing institusyon ng lipunan na nagsisilbing pundasyon sa pagbibigay ng edukasyon, paggabay sa mabuting pagpapasiya, at paghubog ng pananampalataya.
“This is an attack on the family and the family is the basic unit of society. You attack the family then obviously you will be attacking the whole society,” ayon sa obispo.
Binigyang diin ni Bishop Florencio na naisasantabi ang mga kabataan sa ganitong usapin gayong sila ang pangunahing naapektuhan ng ‘broken marriage’.
Dagdag pa ng Obispo, hindi tugon ang paghihiwalay sa marital problem lalu’t ang mga suliranin ng bawat pamilya ay isang karaniwang pangyayari sa relasyon
“We need to look into the principle of serving the good of all, rather than the good of the few,” ayon pa kay Bishop Florencio.
Sa isang pag-aaral sa Estados Unidos, lumalabas na 50 porsiyento ng mga bata ang nakakaranas ng paghihiwalay ng mga magulang at kalahati sa bilang na ito ang nakasasaksi ng paghihiwalay sa ikalawang pag-aasawa.
Una na ring nagpalabas ng kanilang panindigan laban sa diborsyo ang Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Family and Life (CBCP-ECFL), Couples for Christ maging ang Commission of Family and Life ng Archdiocese of Manila.