218 total views
Kinakailangan ng bansa nang mga batas na makatutulong sa pagpapatatag ng pamilya at hindi para sa pagpapahina nito tulad ng Divorce Law na isinusulong sa Kongreso.
Ito ang binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity sa pagpapatuloy ng Online Prayer Meeting ng Obispo na nagsimula noong nakalipas na taon.
Dito pinangunahan ni Bishop Pabillo ang pag-aalay ng panalangin para sa kaliwanagan ng pananaw ng mga mambabatas patungkol sa kahalagahan ng pamilya.
Giit ng Obispo, hindi solusyon ang paghihiwalay o diborsyo sa mga problema at hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa sa halip ay siyang magpapahina pa partikular na sa pundasyon ng pagkatao ng mga batang mayroong magkahiwalay na magulang.
“Pinagdadasal din po namin Panginoong Ama ang mga mambabatas namin na sana sila’y magbigay ng mga batas na makatulong sa mga pamilya na mga nasa may problema at hindi po yung paghihiwalay, ang divorce po ay hindi solusyon sa prolema sa pamilya at yan po’y nararanasan na ng maraming mga bansa sa pamamagitan ng kanilang mga divorce laws mas lalong napapahina ang mga pamilya sana po ay makita na ito ng mga mambabatas namin at gumawa sila ng mga batas na makatulong sa mga pamilya lalong lalo na yung mga may problema na hindi maghiwalay kundi maayos ang kanilang pagsasama” bahagi ng panalangin ni Bishop Pabillo sa naganap na Online Prayer Meeting.
Kaugnay nga nito nakatakda nang pagbotohan ng mga Kongresista para sa ikatlo at huling pagbasa ang pagsasabatas ng Divorce at Dissolution of Marriage sa nalalabing tatlong sesyon ng Kongreso matapos itong makapasa sa ikalawang pagbasa noong Miyerkules.
Gayunpaman mariing naninindigan ang Simbahang Katolika na ang naturang Divorce Bill ay labag sa kasagraduhan ng sakramento ng kasal at pagpapamilya.
Samantala bukod dito, ipinanalangin rin ni Bishop Pabillo ang katatagan ng Korte Suprema sa gitna ng iba’t ibang kontrobersyang kinahaharap ng pinakamataas na hukuman.
Nawa aniya ay makita ng mga mambabatas, mga politiko at ng iba pang mga hukom ang kahalagahan ng pagsusulong ng kabutihang pangkalahatan at hindi lamang ng pangsariling interes sa posisyon at kapangayarihan.
“we also pray Lord for our Supreme Court that is now being besiege by so many people to weaken it, kaya humihingi kami ng katatagan sa aming Chief Justice Sereno na siya’y maging matatag sa paninindigan para sa batas, humihingi kami ng kaliwanagan sa mga law makers, sa mga politicians, sa ibang mga justices na makita din nila ang kabutihan para sa pangkalahatan at hindi lang ang sarili nilang mga ambisyon…” Bahagi pa ng panalangin ni Bishop Broderick Pabillo.
Unang isinagawa ang naturang Online Prayer Meeting noong ika-27 ng Hulyo taong 2017 kung saan pinangunahan ni Bishop Pabillo ang isang oras na online prayer meeting at natunghayan sa pamamagitan ng Veritas846.ph Facebook page.
Sa ika-6 na yugto ng naturang Online Prayer Meeting na isinagawa kahapon ika-15 ng Marso ay tinalakay ni Bishop Pabillo ang ilang mga paksa kaugnay sa panahon ng Kwaresma at paghahanda para sa nalalapit na paggunita sa Mahal na Araw.