215 total views
Ang tunay na diwa ng pagkamakabayan ay nagmumula sa pagiging maka-Diyos.
Ito ang binigyang diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na kabilang din sa mga nakiisa at nanguna sa People Power EDSA Revolution 1 noong 1986.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang taunang pagdiriwang at paggunita sa ginawang kabayanihan ng sambayanang Filipino upang maipaalala at maipabatid lalo na sa mga kabataan na ang pagiging makabayan ay ang paglimot sa sarili alang alang sa kapakanan ng iyong kapwa.
“Kailangang ipagdiwang unang una para sa ganun ay malaman lalo na ng mga kabataan natin yung diwa ng EDSA na madalas ay nalilimutan, ang diwa ng pagkamakabayan na naggagaling sa pagkamaka Diyos, yung pagkamakabayan na talagang lumilimot sa sarili at para lang maisulong ang kapakanan ng kapwa tao. Yun ang palagay ko ay madalas nalilimutan ngayon, matatandaan mo kahit ang Papa natin sinasabi na yun ay isa ring globalization of indeference lumalaganap yung pag dedma sa kapwa tao, at saka yung tinatawag ng ating cardinal na throw away society yan din ay sinasabi ni Pope Francis na ito ang iniisip natin kung ano ang makukuha natin makokonsumo natin yung para sa atin, at yung hindi na natin makayang ubusin ay tinatapon nalang sinasayang nalang,” bahagi ng pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Dismayado naman si Bishop Bacani na ang ilan sa mga personalidad na kaisa ng sambayanan sa EDSA revolution ay kasalukuyang nasasangkot sa mga katiwalian.
Dahil dito, hiniling ng Obispo sa mga Filipino na ibalik ang dating pagiging mapagmalasakit at mapagmahal sa bayan upang hindi na maulit pa ang mahabang panahon na pagkaalipin ng Pilipinas.
“Nakakadisappoint sa kasalukuyan na nung EDSA ang sigaw ganito e “Sobra na! Tama na! Palitan na!”, e ngayon tayong mga oldies ito, ganito pala ang nangyari, “Sobra na! Tama na! Palitan na! Kami naman…” yun ang nangyayari at kinakailangan kasi makikita mo minsan yung mga masasabi natin na mga tumulong naman sa EDSA, nagmalasakit naman nung panahon ng EDSA, makikita mo maririnig mo nasasangkot ngayon sa katiwalian, hindi na ko magbibigay ng mga malalaking pangalan, tapos ngayon sila ang mga mandarambong, sana wag nang maulit yun kung maala ala man nila, we once upon a time, we had a better self, once upon a time we lived as true Filipinos and as true Christians, once upon a time nagmalasakit tayo talaga at itinaya pa namin yung ating buhay para sa bayan, ngayon yung once upon a time nay un, if it happened then it should continue to happen hanggang ngayon,” pahayag pa ng Obispo.
Sa mahigit 14 na taon na sumailalim ang Pilipinas sa Martial Law, umaabot sa 3,000 indibidwal ang pinaslang dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng administrasyong Marcos.
Taong 1986, nang magwakas ang rehimeng Marcos, hinangaan ng buong mundo ang mapayapang People Power EDSA Revolution at binansagan itong “Bloodless Revolution” dahil sa kabila ng malaking bilang ng mga sundalo at tangke ng militar na nakapaligid sa Camp Aguinaldo ay walang nagpaputok ng baril o nasaktan.
Tatlong taon matapos ang rebolusyon, naititatag ang EDSA Shrine, o Mary the Queen of Peace Shrine bilang pagpaparangal at pagpapasalamat sa mahal na Birheng Maria na gumabay sa mapayamang paglaban ng sambayanang Filipino.