188 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon, 20 Hulyo 2023, Mt 11:28-30
Isang palaisipan ang sagot ng Diyos kay Moises nang tanungin Siya nito: “Ano po ba ang pangalan ninyo kung sakaling tanungin nila ako?” Wika daw ng Diyos: “Ako ang Diyos na LAGING NGAYON.” Ito ang translation ko sa I AM WHO AM.
Magandang palaisipan ito para sa atin, tayong mga nabubuhay sa lugar at panahon. Ang sandaling ito ngayon, mamaya lang ay lumipas na. At hangga’t tayo’y nasa ngayon pa, wala tayong katiyakan sa puwedeng mangyari bukas. Kahapon, ngayon, at bukas—ito ang tatlong panahon na lagi nating kailangang harapin hangga’t nabubuhay tayo dito sa mundo.
Katulad ng nabanggit ko sa homily ko kahapon, si Moises ay napadpad sa Midian dahil meron siyang tinatakasan na nakaraan. Kahit malinaw sa kanya na lumaki siya sa palasyo bilang prinsipe ng Egipto, ramdam niya ang koneksyon niya sa mga aliping Hebreo. Bahagi kasi sila ng kanyang nakaraan na ngayon ay ibig niyang takasan dahil hindi niya mabata na makita ang kanilang pagdurusa. Pero kahit mangarap siya ng kakaibang bukas sa kanila, parang lalo lang siyang nabibigatan, parang wala naman siyang magagawa para sa kanila.
Pwede nating iugnay ito sa sinabi ni Hesus sa ebanghelyo—sa paanyaya niya sa mga napapagod at nabibigatan, na bibigyan sila ng kaginhawaan. Dalawang bagay lang naman talaga ang pwedeng magpabigat sa ating mga buhay: mga bagay na nangyari sa nakaraan, at mga pinapangarap natin para sa hinaharap.
Totoo naman di ba, na minsan, may mga bagay na kahit nangyari na, kahit tapos na, ay parang hindi natin malimot-limutan. Bitbit pa rin natin o karga-karga na parang mabigat na pasanin—tulad ng mga pagkakamali, kapalpakan, at kabiguan sa nakaraan. Pati mga trauma o masasakit na karanasan, kahit tapos na, minsan parang sariwa pa rin, parang sugat na nagnanaknak, lalo na kapag hindi tayo makausad o makapagpatawad. Kapag ang galit ay natanim at naging mga hinanakit—parang kinakaladkad natin sa kasalukuyan ang nakaraan. Sa di natin namamalayan, hinahayaan natin na sirain nito ang ating kasalukuyan at hubugin nito ang hinaharap.
Pero bukod sa kahapon, pwede ring pabigatin ng bukas ang ating buhay. Kapag pinangunahan tayo ng takot at pangamba sa pwedeng mangyari, kapag parang wala tayong makitang liwanag sa darating na bukas dahil naghihinagpis na tayo o nawawalan ng pag-asa dahil sa sitwasyon natin sa kasalukuyan. May mga taong kung minsan gustong matulog at ayaw nang gumising, lalo na pag sirang-sira na ang loob ng tao.
“Matuto kayo sa akin”, sabi ng Panginoon. Ano ang dapat nating pag-aralan sa kanya? Ang pagiging “maamo at mababang-loob”. Ibig sabihin handang humarap sa kahit na anong pwedeng mangyari sa buhay nang may tiwala—na hindi man natin lubos na alam ang nangyayari, ito’y alam ng Diyos, at tayo’y nasa kamay niya, wala tayong dapat ikabahala o ipangamba.
“Dalhin ninyo ang aking pamatok”. Hindi ba parang kabalintunaan ito? Gusto niyang pagaanin ang ating mga karga sa buhay pero may pinabubuhat naman siya sa atin: ang kanyang pamatok. Ang simbolo natin sa pamatok ni Kristo ay ang krus, ang sagisag ng Pag-ibig na walang kundisyon at laging handang magsakripisyo—ito ang tanging makapagbibigay ng kahulugan at makapagpapagaan sa anumang ating kailangang danasin at pagdaanan sa buhay.
Ang yumaong dating UN Secretary General na si Dag Hammaskjöld ay ganito rin daw ang prinsipyong sinunod sa buhay:
“Sa lahat ng nakalipas na, pasasalamat; sa mga bagay na darating pa, Siya nawa. Nawa’y ang buhay ko ngayon ay maging isang tuluyang pag-oo, isang palagiang pagtalima sa iyong dakilang kalooban.”